Bagama’t tumaas nitong mga nakaraang taon ang pondong nakalaan sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang ahensya na tugunan ang mataas na antas ng jobs-skills mismatch sa mga nagtapos ng Technical-Vocational Education and Training (TVET o tech-voc).
Sa pagsusuri ng Asian Development Bank (ADB) sa Individual Graduate Tracer Surveys ng TESDA para sa mga taong 2013, 2014, at 2017, umaabot sa 60% hanggang 80% ang occupational mismatch sa mga TVET graduates.
Noong 2017, 70% ng mga kalahok sa naturang survey ang may mga trabahong hindi tugma sa programang kanilang tinapos.
Ang pagsusuri sa occupational group mismatch ay isa sa mga paraan upang ihambing ang aktwal na trabaho ng isang TVET graduate sa programang kanyang tinapos.
Halimbawa, inaasahang magiging mga welder ang mga nagtapos ng Shielded Metal Arc Welding National Certificate Level II (NC II). Ngunit kung sila ay nagtatrabaho bilang restaurant staff, sila ay nakakaranas ng training-job mismatch.
Sa nagdaang anim na taon, umabot sa 19.71% ang average na itinaas ng pondo ng TESDA. Para sa 2022, halos labinlimang (14.7) bilyong piso ang panukalang budget ng ahensya, mas mataas ng 0.65% o siyamnapu’t apat (94) na milyong piso kung ihahambing sa pondo nitong 2021.
“Nakakabahala ang jobs-skills mismatch lalo na’t tumaas ang budget ng TESDA sa nagdaang sampung taon,” sabi ni Gatchalian.
“Sa panahong ito, tinatayang labing-apat na bilyong piso ang natatanggap ng TESDA pero may mga ulat pa rin tayong nakukuha na 70-80% ng mga graduates ng TESDA ay nakakuha ng trabaho na hindi angkop sa kanilang naging pagsasanay o training,” dagdag nito. (Dindo Matining)
The post Win sa TESDA: Tugunan problema sa jobs-skills mismatch first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/win-sa-tesda-tugunan-problema-sa-jobs-skills-mismatch/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=win-sa-tesda-tugunan-problema-sa-jobs-skills-mismatch)
0 Mga Komento