Pinag-aaralan ng mga opisyal sa Zamboanga del Sur kung maaari pang magamit ang nasa 36,000 Sinovac bakuna na naisalba mula sa nasunog na Provincial Health Office ng lalawigan noong Linggo.

Ayon kay provincial health officer Dr. Natzky Cagampangan, 36,164 doses ng COVID vaccine ang naisalba mula sa nasunog na gusali.

“So far meron, yung Sinovac to be inspected pa ng DOH region kasi darating sila today, if ever kung viable pa yun pero para sa amin, hindi namin ginalaw kasi parang nadaanan kasi ng mainit na fire last October 31 so sila lang ang magsabi if viable pa ba yung Sinovac,” wika ni Cagampangan sa panayam ng TeleRadyo.

Sa nangyaring sunog ay 148,678 doses ng COVID bakuna ang nasira.

Dugtong pa ni Cagampangan, dumating noong Martes ang ilang opisyal ng Department of Health (DOH) upang magdagdag ng supply ng bakuna.

“Nakausap ko kahapon si regional director sa DOH Zamboanga City, si Dr. Brillantes. Binigyan kami ng Sinovac kagabi atsaka AstraZeneca para yung mga naka-2nd dose schedule this week mabigay namin,” aniya.

Sa ngayon ay ang ground floor ng Sangguniang Panlalawigan Building ang ginagamit nilang storage facility ng mga COVID vaccine. (mjd)

The post 36K bakuna naisalba mula sa sunog sa Zambo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/36k-bakuna-naisalba-mula-sa-sunog-sa-zambo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=36k-bakuna-naisalba-mula-sa-sunog-sa-zambo)