Inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos na magkakaroon ng pulong ang ilang health official sa NCR ngayong Martes upang pag-usapan ang pagpapatupad ng age restriction sa mga mall.

Ani Abalos, ang mga opisyal ay bubuo sa isang technical working group (TWG) at siyang maglalabas ng kanilang pasya na siya namang ieendorso nila sa mga alkalde ng Metro Manila.

“Kung matapos kami mamaya, baka bukas magpulong na ang mga mayor,” pahayag ni Abalos sa panayam ng dzBB. “The earlier, the better for everyone.”

Ang pag-aaral umano tungkol sa pagpapatupad ng age restriction sa mga mall ay kaugnay ng naiulat na may isang dalawang-taong gulang na bata ang nagpositibo sa COVID matapos magpunta sa isang mall.

Samantala, maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay nag-utos sa mga lokal na pamahalaan na maglabas ng ordinansa na magbabawal sa mga edad 11 pababa na pumunta sa mga mall.

“Yun ang usapan naming mga mayor dahil very porous ang mga border namin,” dugtong pa ni Abalos. “Yung magulang, yung parental responsibility niya ipasok niya. Bilang mga magulang dapat manggaling na rin sa atin.” (mjd)

The post Age restriction sa mga mall pag-aaralan – Abalos first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/age-restriction-sa-mga-mall-pag-aaralan-abalos/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=age-restriction-sa-mga-mall-pag-aaralan-abalos)