Binansagang “MADE in hell” ang alyansa na binuo para tulungang manalo ang tambalan nina dating Sen. Ferdinand Marcos Jr., at Davao City Mayor Sara Duterte.

Sa pahayag na inilabas ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate nanawagan ito sa Commission on Elections (Comelec) na diskuwalipikahin si Marcos.

“Kahapon ay inilunsad ang alyansang MADE in hell, ang alyansang Marcos, Arroyo, Duterte at Estrada na gustong ibalik ang anak ng diktador sa Malacañang. Wala silang pakialam sa dinaanang hirap ng bansa sa ilalim ng mga Marcos,” sabi Zarate na sumama sa protesta sa tapat ng tanggapan ng Comelec.

Sinabi ni Zarate na hanggang ngayon ay hindi pa tapos bayaran ng mga Pilipino ang inutang ng rehimen ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ang utang umano ng Pilipinas ay pinalobo lalo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Sa ilalim din ng administrasyong Duterte ay lalo pang naglubog sa atin sa utang at aabot na ito ng P13 trilyon sa Hunyo 2022. Ibig sabihin nito ay maging sa mga ‘di pa ipinapanganak ay may utang na,” dagdag pa ni Zarate.

Habang inilulubog umano sa utang ng nakatatandang Marcos ang bansa, sinabi ni Zarate na hindi naman nagbabayad ng buwis ang anak nitong si Marcos Jr.

“Habang inilubog tayo sa utang ng kanyang ama ay hindi naman binayaran ni Marcos Jr. ang kanyang mga buwis at nahatulan na siya ng mga korte dito. Ibig sabihin ay di na siya pwedeng tumakbo sa anumang posisyon sa bansa, maski barangay kagawad. Kaya muli nananawagan kami sa Comelec na kanselahin na ang COC at idiskwalipika na si Bongbong Marcos,” sabi pa ng solon. (Billy Begas)

‘Papa P’ Piolo Pascual hinimas ang Abante reporter, kinilig!

The post Alyansa para sa tambalang Marcos-Sara binansagang ‘MADE in hell’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/alyansa-para-sa-tambalang-marcos-sara-binansagang-made-in-hell/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=alyansa-para-sa-tambalang-marcos-sara-binansagang-made-in-hell)