Nanawagan ang Bayan Muna na ibaba ang ATM at online transaction fee na sinisingil ng mga bangko at iba pang online payment channels.

Ayon kay Bayan Muna chairperson Neri Colmenares, walang magawa ang mga konsumer kundi bayaran ang singil na P15 hanggang P50 sa bawat transaksyon nito sa mga online payment platform.

Ang ATM withdrawal naman ay tumaas sa P10-18 kada transaksyon.

Batay sa datos ng Philippine Payment and Settlement System, sinabi ni Colmenares na sa ikalawang quarter ng 2021 ay 4,375 interbank transaction na nagkakahalaga ng P432.56 bilyon ang dumaan sa PESONet at 8,428 transaksyon na nagkakahalaga ng P195.85 bilyon naman ang dumaan sa InstaPay.

Kumpara sa parehong panahon noong 2020, lumobo ang dumaang transaksyon sa PESONet ng 40.98% at 55.38% naman sa InstaPay.

Ipinunto ni Colmenares na habang dumarami ang transaksyon ay dapat lumiliit ang bayad sa mga ito.

Nanawagan din si Colmenares sa Kongreso na ipasa ang House Bill 4019 na inihain ng mga kinatawan ng Bayan Muna noong 2019 na naglalayong gawing P5 ang bayad sa interbank ATM transaction kasama na mga transaksyong dumaraan sa G-cash, PayMaya at mga katulad na payment channel.

Ganito rin umano dapat ang bayad sa money remittance, ayon kay Colmenares. (Billy Begas)

The post ATM, online transaction fee ibaba—Bayan Muna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/atm-online-transaction-fee-ibaba-bayan-muna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=atm-online-transaction-fee-ibaba-bayan-muna)