Inihayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na hindi siya naiinggit sa pagbigay ng suporta ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa presidential bid ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Klaruhin natin, na kami ni Senator Bongbong ay hindi magkalaban, magkakampi kami. Klaro yan. Walang problema sa amin,” pahayag ni Dela Rosa sa panayam sa CNN Philippines.

“But pagdating sa issue na yan, really to be honest with you, I did not feel any insecurity pagdating sa support ni Mayor Inday Sara [kay Bongbong],” dagdag pa nito.

Sabi ng senador, malinaw na naman sinabi lang ni Mayor Inday Sara na haharap siya ng paraan kung paano masusuportahan ang kandidatura ni Marcos.

“Being a friend, normal yan na maghanap ka talaga ng paraan na matulungan mo ang kaibigan mo na tumakbo,” ayon kay dela Rosa.

“Pero hindi naman sinasabi na, ‘I will support you 100 percent, Senator Bongbong and I will dump 100 percent si Senator Bato.’ Wala naman siyang sinabing ganun. Di po ako nai-insecure,” dugtong pa nito.

Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag, kasunod nang pulong nina Duterte-Carpio at Marcos noong nagdaang linggo sa Cebu City.

Nauna nang sinabi ng presidential daughter na napag-usapan nila ng kanilang regional party, ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) kung paano matutulungan si Marcos sa kanyang pagtakbo sa pagka-presidente sa 2022.

Nauna nang ibunyag ni Senadora Imee Marcos, kapatid ni Bongbong, inudyukan ni Duterte-Carpio na tumakbo sa pagka-pangulo ang kanyang kapatid. (Dindo Matining)

The post Bato hindi inggit sa suporta ni Mayor Sara kay Marcos Jr. first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bato-hindi-inggit-sa-suporta-ni-mayor-sara-kay-marcos-jr/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bato-hindi-inggit-sa-suporta-ni-mayor-sara-kay-marcos-jr)