Sisimulan na ngayong araw ng Kamara de Representantes ang pagtalakay sa plenaryo ng panukala na magbabawas sa excise tax na ipinapataw sa mga piling produktong petrolyo.
Kumpiyansa si House Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na maaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukala.
“Congress should pass it soon to provide relief to our people, who are suffering from the double whammy of Covid-19 pandemic and high fuel prices,” sabi ni Rodriguez, isa sa may-akda ng panukala.
Dahil wala pang inilalabas na sertipikasyon ang Malacañang para sa agarang pagpasa ng panukala, kailangang maghintay ng Kamara ng tatlong araw para maipasa ito sa ikatlong pagbasa at maipadala sa Senado.
Sa pagdinig ngayong Lunes ng House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Salceda ipinag-utos ang agarang pagsusumite ng committee report sa House Committee on Rules na siyang magdadala nito sa plenaryo.
Sinabi ni Salceda na ang pagpasa ng panukala ay prayoridad ni Speaker Lord Allan Jay Velasco.
Sa ilalim ng panukala, hindi na papatawan ng excise tax ang diesel, kerosene at liquefied petroleum gas (LPG) gaya noong bago pa ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.
Sa kasalukuyan ang excise tax sa diesel ay P6 kada litro, P5 kada litro sa kerosene at P3 kada kilo ng LPG.
Ang P10 kada litro na excise tax sa gasolina ay ibababa rin. Para sa gasolina na 91 o mas mababa ang octane level ang excise tax ay P4.35 kada litro at para sa gasolina na ang octane level ay higit sa 91 ang buwis ay P7 kada litro.
Ang bagong rate ay ipatutupad sa loob ng anim na buwan pero maaaring suspendihin kapag bumaba na ang presyo ng krudo sa world market sa $65 kada bariles.
Mas maikli ito kumpara sa nais ni Rodriguez na bawas buwis hanggang 2025 o sa panukala ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor, may-akda ng kaparehong panukala, na hanggang 2024. (Billy Begas)
The post Bawas-buwis sa langis mamadaliin ng Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/bawas-buwis-sa-langis-mamadaliin-ng-kamara/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=bawas-buwis-sa-langis-mamadaliin-ng-kamara)
0 Mga Komento