Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang regular na COVID-19 testing para sa mga guro matapos masaksihan nitong Lunes ang simula ng pilot implementation ng limited face-to-face classes.

Ipinagpaliban muna ng dalawang paaralan sa Zambales ang pagbubukas ng face-to-face classes matapos mag positibo ng pitong guro sa COVID-19 sa pamamagitan ng rapid antigen kits.

“Dapat pag-isipan din natin ang regular na COVID-19 testing ng mga guro. Pati ‘yung pagpapabakuna nila ay dapat nating tutukan nang mabuti. Upang mabawasan ang panganib, kailangan natin ng testing,” ayon sa Senador.

“Kaya dapat mapondohan ang testing ng mga teachers at kung may nag-positibo man, merong nakahandang suporta para sa kanila,” dagdag pa ni Gatchalian sa kanyang pagdalaw sa mga paaralang napiling magsagawa ng limited face-to-face classes.

Para matiyak ang agarang tulong pinansyal sa mga gurong nagpopositibo sa COVID-19, hinimok ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ang Department of Education (DepEd) na makipag-ugnayan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa paglikha ng special lane para sa mga guro.

Ayon kay Gatchalian, maiibsan nito ang pasanin ng mga gurong nagpopositibo sa COVID-19 lalo na’t kinailangan muna nilang mag-abono bago makatanggap ng reimbursement mula sa PhilHealth.

Sa paglilibot kahapon ni Gatchalian, nakita niyang puspusan ang naging paghahanda ng mga guro at mga school officials sa unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes.

Ngunit para sa senador, kinakailangang tugunan ang pangangailangang pinansyal ng mga paaralan upang maipatupad ng mga ito ang public health protocols, kabilang ang pagbili ng mga health supplies at pagpapatayo ng sapat na pasilidad sa water, sanitation, and hygiene (WASH).

Isinusulong ng mambabatas na gawing prayoridad sa 2022 DepEd budget ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan.

“Ang kailangan natin ay suporta. Kailangang maipaabot natin ‘yung suporta sa mga paaralan sa pamamagitan ng pondo upang makabili pa sila ng mga kagamitan at tuloy-tuloy ang paglilinis ng paligid. Importante sa health protocols ang paglilinis, pagbili ng mga sabon, at paggawa ng iba pang mga pasilidad,” dagdag ni Gatchalian. (Dindo Matining)

The post COVID-19 testing sa mga guro, gawing regular – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/covid-19-testing-sa-mga-guro-gawing-regular-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=covid-19-testing-sa-mga-guro-gawing-regular-gatchalian)