Kinuwestiyon ni presidential aspirant Senador Panfilo Lacson ang paggamit ng P5 bilyong pondo para sa COVID-19 response na inilipat sa implementasyon ng farm-to-market road projects sa ilalim Agriculture Stimulus Package ng Bayanihan 2.

“Anong kinalaman ng farm-to-market roads sa pag-responde ng gobyerno sa pandemya?” tanong ni Lacson.

“We noticed releases under Bayanihan 2 focused on farm-to-market roads worth P5 billion. Can you explain the connection between these farm-to-market road releases and the government’s Covid response? Parang hindi ko ma-connect,” sabi ni Lacson sa kanyang interpelasyon sa badyet ng Department of Agriculture.

Sagot naman ni Senadora Cynthia Villar na sponsor ng badyet ng ahensya, maaaring ginamit ang naturang pondo para maisaayos ang logistics ng DA, na tinawanan ng ilan sa mga dumalo sa session hall.

“We laugh about this but this is no joking matter. This is the national budget of the Republic of the Philippines,” ani Lacson.

Kinuwestyon din ni Lacson ang 17 porsyentong pagtaas para sa Agri-Machinery, Equipment, Facilities, and Infrastructure program ng DA mula P11.3 bilyon na naging P13.32 bilyon – kung saan ang bulto ng pagtaas ay mapupunta sa farm-to-market roads mula P4.98 bilyon sa ilalim ng National Expenditure Program na tumaas at naging P6.95 bilyon sa ilalim ng bersyon ng Mababang Kapulungan.

Nang tanungin Lacson ang tungkol sa naturang isyu, itinanggi ng DA na may alam sila sa mga detalye ng proyekto.

Dahil dito, binigyang-diin ni Lacson na talamak na problema ng mga ahensya tulad ng DA na makatanggap na karagdagang pondo para sa farm-to-market roads nang hindi sila nakokonsulta ukol dito.

“There are other priorities when they prepared the budget to answer the budget call.
They were tedious in preparing the budget. Now, all of a sudden, at the snap of a finger, nawala ang budget, nalipat kung saan,” sabi ng senador.

Samantala, muling nanawagan si Lacson para mabigyan ng sapat na pondo ang research and development, na sinusuportahan din ni DA Secretary William Dar. (Dindo Matining)

The post COVID response fund na nilipat para sa kalsada kinuwestyon ni Ping first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/covid-response-fund-na-nilipat-para-sa-kalsada-kinuwestyon-ni-ping/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=covid-response-fund-na-nilipat-para-sa-kalsada-kinuwestyon-ni-ping)