Umamin ang beteranang aktres na si Janice Jurado na matinding pagsubok ang kanyang dinaanan nang madiskubre niyang siya ay may breast cancer, na humantong pa sa pagkalulong niya sa ipinagbabawal na gamot.

Ito ang ikinuwento ni Janice sa pag-guest niya sa ‘Bawal Judgmental’ ng ‘Eat Bulaga’ noong Sabado, kung saan bida ang mga breast cancer survivor.

Bilang sexy actress, inamin ni Janice na hindi niya inakala na ang simpleng bukol sa kanyang dibdib ay kanser na pala.

Bukod sa hindi niya ito pinaalam sa mga doktor, tinago rin niya ito sa kanyang pamilya.

“Nag-aartista pa ako noon, hindi ko pwedeng sabihin sa doktor kasi tatanggalin. Kapag tinanggal niya, wala ng hanapbuhay. Alam n’yo naman na ang dibdib ko ang bida noon,” kwento ni Janice. “Kasi noon nga, ako ang breadwinner at saka maaga akong nagkaanak, kailangan ko maka-survive.”

Ang malala pa nito, ang matinding sakit mula sa mga bukol ang nagdala sa kanya sa ipinagbabawal na gamot.

“Wala sa isip ko na may cancer ako. Bukol lang siya. Nag-enjoy nga ako kasi ang daming bukol, e. Hindi kasi lumaki siya lalo,” dugtong pa ng aktres. “Yun ang isa pang dahilan kung bakit ako napasok sa ipinagbabawal na gamot kasi kapag umiinom ako noon, nawawala ang pain.”

“Dahil sa pagpasok sa drugs, nawala ako sa movie, nawala rin ako sa TV, doon nag-pain nang nag-pain. Doon ako nag-decide na magpatingin, stage 3 na siya,” aniya.

Kaya sa kanyang mga karanasan, ipinayo ni Janice na kapag may naramdaman sa katawan ay dapat itong ipaalam sa mga kapamilya upang ‘di lumala ang sitwasyon.

“Maging totoo po tayo sa ating sarili. Maging totoo po tayo sa ating mga kapwa,” wika ng aktres. “Kasi, kapag tinago po ninyo ‘yan, lalong lalala, huwag niyo po ako gagayahin. Kahit maliit na maliit lang po na bukol, ipaalam ninyo, patingnan ninyo. Saan ba nagsisimula ang malaki, ‘di ba sa maliit?”

Ngunit maayos na ngayon ang lagay ni Janice. “Sobra sa all right, sobra sa okay.” (mjd)

The post Dahil sa breast cancer! Janice Jurado nag-adik first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/dahil-sa-breast-cancer-janice-jurado-nag-adik/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=dahil-sa-breast-cancer-janice-jurado-nag-adik)