Binatikos ni Senadora Leila de Lima ang administrasyong Duterte sa kawalan ng kakayanan ang tugunan ang tumataas na bilang ng mga taong ayaw magpabakuna laban sa Covid-19.

Ito’y kasunod ng ginawang survey ng OCTA Research mula Setyembre 11-16 kung saan 22 porsiyento ng 1,200 respondents ang ayaw pa ring magpabakuna. Anim na porsiyentong pagtaas ito mula sa 16 porsiyento na naitala noong Hulyo.

“Kung hindi ipapasa ang sisi sa mamamayan sa palpak nilang COVID-19 response, ay idadaan naman nila sa pananakot o pagkakait ng serbisyo para mapilitan ang mga tao na magpabakuna. Anong napala nila?” dagdag nito.

Ayon sa nasabing survey, 32 porsyento ang ayaw magpabakuna laban sa COVID-19 sa Visayas, 24 porsiyento sa Luzon, 19 porsyento sa Mindanao at limang porsyento sa Metro Manila.

Pangunahing dahilan ng pagtanggi sa bakuna ay safety o kaligtasan na may 65 porsyento. Ang iba pang dahilan ng mga respondent ay: hindi sigurado kung epektibo (14%); may sakit (9%), paniwalang hindi kailangan ang bakuna para masugpo virus (7%), takot magpa-turok (4%) at hindi naniniwala sa bakuna (3%).

“Sinabi ko na ito noon pa: Kung mas pinagtuunan ng pansin sana ng gobyernong ito ang mga paraan para mas lumawak ang pag-intindi at tiwala ng mga tao sa bakuna, hindi na sana tumataas pa ang bilang ng mga taong ayaw sa bakuna,” ani De Lima.

“Ngayon na mas nagluluwag na ang gobyerno ukol sa paglabas ng mga tao, ay mas dapat pa nating himukin na makapagpabakuna ang lahat. That’s why vaccine hesitancy requires serious attention from this government lest we want another surge of COVID-19 cases,” dagdag nito.

Bukas naman si De Lima sa ideya na bigyan ng insentibo ang mga tao para mahikayat silang magpabakuna.

“Insentibo hindi dahas. Benepisyo hindi paninindak. Kung makakapaglatag ang gobyerno ng epektibong paraan tulad ng dagdag na tulong at ayuda, mas mahihikayat ang maraming magpabakuna. Hindi yung puro ngawngaw lang ng pananakot na wala namang naitutulong,” ayon kay De Lima. (Dindo Matining)

The post De Lima sa Duterte admin: Insentibo, hindi dahas sa ayaw paturok first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/de-lima-sa-duterte-admin-insentibo-hindi-dahas-sa-ayaw-paturok/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=de-lima-sa-duterte-admin-insentibo-hindi-dahas-sa-ayaw-paturok)