Ngayon pa lang ay kasado na si AnaKalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na makaharap sa debate si Quezon City reelectionist Mayor Joy Belmonte lalo na tungkol sa mga polisiyang ipinatutupad sa lungsod.

Walang kaabog-abog na nanindigan si Defensor na may mali sa mga polisiyang ipinapatupad ni Belmonte sa lungsod, kaya naman anumang oras umano ay papalag siya sa debate, kahit pa isama ng alkalde ang kanyang abogado.

“I can face Joy anytime in a debate, haharapin ko po siya kasama (isama) pa nya yung abogado niya, pag usapan namin yung ginawa nila at nangyayari sa pandemya. Kasi mali,” saad ni Defensor. “Mali po yan.”

Ilan sa mga binanggit ng mambabatas na kamalian sa mga ginawa ni Belmonte ay ang pagdeklara na sa halagang P1,140 nila binili ang mga pinamigay na ayuda package gayong P636 lang umano ang totoong halaga nito; gayundin ang face shield na P67.50 ang halaga na sa palengke ay P10 lang.

“Sa governance, sa pagpapatakbo ng gobyerno, sa priority sa gobyerno ito, sa ginagawa natin dyan magdedebate kami. Isama na niya yung abogado niya, isama niya ang buong konseho nya lalabanan ko sila, haharapin ko sila sa mga maling polisiya na nangyayari ngayon sa ating lungsod,” dugtong pa ni Defensor.

Bukod dito, binanatan din ni Defensor ang QC government dahil 100,000 lang sa mahigit 430,000 mag-aaral sa mga pampublikong paaralan ang nabigyan ng libreng tablet.

Dahil umano ito sa pagbili ng pamahalaan ng tablet sa halagang P7,000 bawat isa gayong kung tig-P4,000 lang ang binili ay magkakaroon ng gadget ang lahat ng estudyante. (mjd)

The post Defensor kasado na sa debate vs Belmonte first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/defensor-kasado-na-sa-debate-vs-belmonte/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=defensor-kasado-na-sa-debate-vs-belmonte)