Nilalayon ni Anakalusugan Rep. Mike Defensor na lumikha ng isang programa na pagsasama-samahin ang mga pagsisikap ng lokal na pamahalaan, PhilHealth at mga ospital na magkapagbigay ng preventive health care sa mga residente ng Quezon City.

Binigyang-diin ni Defensor ang kahalagahan ng pagtatatag ng programa na magpapahintulot sa mga residente na masuri man lang ang kanilang kolesterol at blood sugar upang maiwasan ang mga kaugnay na sakit.

“Kailangan alalayan mo yung cholesterol, yung sugar level, bigyan mo sila ng checkup para talagang hindi sila magkaroon ng malubhang sakit or lumala ang sakit nila,” sabi ni Defensor.

Aniya, maraming ospital ang Quezon City na maaaring makapagbigay ng libreng medical checkup at diagnostic test na pwedeng katukin ng local government unit at PhilHealth.

“Kailangan mo lang ayusin yung programs with them para matulungan ang mga residente at hindi magkasakit,” saad nito.

Ayon kay Defensor, sinasabi sa datos ng Department of Health na kabilang sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa bansa ay ang mga sakit sa puso, pneumonia, tuberculosis at diabetes mellitus, na maaaring maagapan sa pamamagitan ng physical examination at diagnostic test. (Sherrylou Nemis)

The post Defensor: Libreng checkup ilulunsad sa QC first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/defensor-libreng-checkup-ilulunsad-sa-qc/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=defensor-libreng-checkup-ilulunsad-sa-qc)