May mga alternatibong aksiyon na ang Department of Health (DOH) para hindi maubusan ng heringgilya kaugnay sa mas pinaigting na vaccination rollout laban sa COVID-19.

Ito ang inihayag sa Laging Handa press briefing ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng ulat na nauubusan na ng supply ng heringgilya ang ilang local government units na nagpapatupad ng vaccine rollout .

Ayon kay Vergeire, nagbaba na ang national office ng memorandum na nagbibigay ng otorisasyon sa kanilang regional offices para gamitin ang kanilang pondo sa pagbili ng heringgilya.

Buwan pa lamang aniya ng Hunyo ay nakita na ng DOH na kukulangin ng supply ng heringgilya dahil sa dami ng babakunahan ng COVID vaccine kaya maagap nilang inabisuhan ang kanilang regional offices.

“As early as June nung nakita natin na magkakaroon tayo ng kakulangan sa heringgilya na ginagamit for vaccines, nakapagbaba na tayo ng memo sa ating regional office that they can use their funds dahil nakita po namin yung mga pondo po namin ay marami sa regional office para bumili ng ganitong heringgilya na ginagamit,” ani Vergeire.

Bumili na rin aniya ang DOH head office ng supply para masigurong hindi kapusin sa gagamitin lalo na ngayong may pinapalakas ng gobyerno ang pagbabakuna sa mas maraming bilang ng mga Pilipino.

Pinayuhan din ni Vergeire ang mga lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa DOH regional offices para mabigyan ang mga ito ng supply para sa kanilang lokalidad.

“Yung mga local government po kailangan lang makipag-ugnayan sa ating regional offices so that they can be provided with this alternative form of syringes para sa bakuna,” dagdag ni Vergeire.

The post DOH bumili na ng mga heringgilya para sa bakuna first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-bumili-na-ng-mga-heringgilya-para-sa-bakuna/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-bumili-na-ng-mga-heringgilya-para-sa-bakuna)