Hindi kumbinsido ang Department of Health (DOH) sa ulat na sa mall nahawa ng COVID-19 ang 2 taong gulang na bata.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na may ibang posibleng factors kaya nahawa ang bata kaya pinapa-check na nila ito sa kanilang regional health office.

Posible aniyang sa bahay pa lamang ay nahawa na ang bata ng COVID mula sa mga kasambahay na lumalabas at nagtatrabaho.

“We have already instructed our regional office to look into this matter. Marami pa hong puwedeng maging factors at mga reason kung bakit nagkasakit ang bata. Hindi lang ‘yung pagpunta sa mall, maaaring doon lang sa bahay ay doon na siya nahawa. Maaaring ang mga nakakatanda niyang kasama sa bahay ay lumalabas at nagtatrabaho. So meron hong mga factor na kailangan nating tingnan,” ani Vergeire.

Tiniyak ni Vergeire na hindi makakaapekto sa pagpapatupad ng mas mababang alert system ang insidente at maituturing aniyang isolated case lamang ito.

Hangga’t hindi aniya natutukoy ang tunay na dahilan ng pagkakasakit

ng dalawang 2 taong gulang na bata ay patuloy silang nagpapaalala sa publiko na palaging sundin ang minimum health standards para makasiguro ng kaligtasan laban sa COVID-19.

“Nagpapaalala tayo sa mga magulang na bigyan ng extra care ang mga bata lalo na ngayon na maraming mga tao. Pag nakita natin na parang crowded ‘yung lugar, huwag na po nating isama ‘yung ating mga kabataan,” dagdag ni Vergeire.

Binigyang-diin ng opisyal na habang nagluluwag ang gobyerno ay dapat makipagtulungan ang publiko para hindi makompromiso ang kaligtasan at kalusugan ng bawat mamamayan.

“Let us remember the objective of having children out is for them to be able to get sunlight to have exercise, but not to go into this crowded malls. Ilalabas natin ang ating mga anak pero umiwas tayo sa mga lugar na puwedeng magkasakit ang ating mga anak,” wika ni Vergeire.

The post DOH dudang sa mall tinamaan ng COVID 2-anyos na bata first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/doh-dudang-sa-mall-tinamaan-ng-covid-2-anyos-na-bata/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=doh-dudang-sa-mall-tinamaan-ng-covid-2-anyos-na-bata)