Dinipensahan ni Senate Minority Leader Franklin M. Drilon ang desisyon ng Senate Committee on Finance na bawasan ng P24 bilyon ang pondo para sa National Task Force Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) para sa 2022.

Kasabay nito ang kanyang pagkadismaya sa pahayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na ‘bwisit’ siya at sa mga senador na gusto buwagin ang anti-insurgency task force ng pamahalaan.

“Nakakalungkot yung ginagamit ng ating kasamahan sa senado na ‘bwisit’. Ito po ay debate para sa kapakanan ng taumbayan at tinitingnan natin kung paano ginastos ang pera ng taumbayan,” sabi ni Drilon patungkol sa pahayag ni Dela Rosa sa isang pnayama sa dzBB.

“Ako, kumokontra ako. Hindi naman siguro ako bwisit. Ito po, huwag na nating dalhin sa personalan, pag-usapan na lang natin,” dagdag nito.

“Stop the name-calling. It will not get us anywhere. It is an insult to the senators and the institution we belong to. Let’s stick to the issue,” payo pa ni Drilon sa bagitong senador.

Kinontra ni Drilon ang pahayag ni Dela Rosa na ginagamit ng oposisyon ang NTF-ELCAC sa pamumulitika.

“Hindi ito pamumulitika. Ito ay pangangalaga ng pera ng taumbayan,” ani Drioon. “Walang pamumulitika. Ito ay tamang paggamit ng pera ng taumbayan.”

Lantarang tinutuligsa ni Drilon ang anti-insurgency program ng gobyerno sapul pa noong 2020 at tinawag pa ang program na isa na namang “pork barrel” ng ehekutibo.

Inisa-isa pa ni Drilon ang dahilan ng kanyang pagtutol sa NTF-ELCAC at ang desisyon ng Senado na tapyasan ang pondo at gawin na lang P4 bilyon mula sa panukalang P28 bilyon.

Sa P19 bilyong pondo ng NTF-ELCAC sa taong ito, P16.2 bilyon ang inilaan para sa Barangay Development Fund.

Para kay Drilon, mas mainam aniya na ilipat na lang ang pondo para suportahan ang pandemic response ng pamahalaan tulad ng pagbili ng COVID-19 booster shot at para sa ayuda sa mga sektor na naapektuhan ng pandemya.

“Ang proyekto sa barangay, maraming pwedeng magbigay diyan: DA, DOH, DPWH, DSWD. Nakakalat sa iba’t ibang ahensya. Ang lumalabas na itong NTF-ELCAC na lang ang maitutulong sa barangay, hindi po tama iyan,” ayon kay Drilon. (Dindo Matining)

The post DRILON KAY BATO: HINDI AKO BWISIT! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/drilon-kay-bato-hindi-ako-bwisit/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=drilon-kay-bato-hindi-ako-bwisit)