Hinamon ng election watchdog na Kontra Daya sina Presidente Rodrigo Duterte at Senador Bong Go na isapubliko kung kailan sila umalis sa PDP-Laban at sumumpa sa partidong Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS) kung saan sila kakandidato para sa 2022.

Matatandaang umatras si Go bilang vice presidential candidate ng PDP-Laban at ngayo’y kakandidatong presidente sa ilalim ng PDDS.

Samantala, si Duterte na isang mataas na opisyal ng PDP-Laban ay tatakbo namang senador, sa ilalim din ng PDDS.

Sina Go at Duterte ay parehong substitute candidate para sa mga unang naghain ng kandidatura sa ilalim ng PDDS.

Ngunit gustong malaman ng Kontra Daya kung kailan nilayasan ng dalawa ang PDP-Laban at umanib sa PDDS.

Ito’y sapagkat nakasaad sa panuntunan na maaari lamang maging substitute ang isang indibidwal para sa kandidatong nasa kapareho niyang partido.

Iba umano ang ginawa ng dalawa kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio. Matatandaang isinapubliko ni Mayor Sara ang paglisan sa Hugpong ng Pagbabago at isinapubliko rin ang panunumpa niya sa Lakas-CMD, kung saan siya ay naging substitute candidate.

“We cannot say the same for Rodrigo Duterte and Bong Go. If they are indeed transparent as public officials, they should fully disclose when they resigned from PDP-Laban and when they took their oath as members of PDDS,” saad ng Kontra Daya. (mjd)

The post Duterte, Go hinamon: Ilantad kailan lumayas sa PDP-Laban first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-go-hinamon-ilantad-kailan-lumayas-sa-pdp-laban/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-go-hinamon-ilantad-kailan-lumayas-sa-pdp-laban)