Hayagang sinabi ni President Rodrigo Duterte na hindi niya sinusuportahan ang pagtakbo ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa panayam ng vlogger na si Banat By sa Presidente, inamin nito na ni minsan hindi niya sinabi na susuportahan niya si Bongbong.

“Ni minsan wala kayong narinig na mag Marcos ako. Kinakausap ko lang for respeto. Si Bongbong pumunta yan dito kasama ang asawa, kinausap ko. But, I never gave a commitment na mag suporta ako sa kanila,” pahayag ng Pangulo.

Dagdag pa niya, hindi niya ito kayang suportahan dahil isa umano itong “pro-communist”.

“Yang pagtakbo ni Marcos sasabihin ko ang rason kung bakit ‘di ako makakasuporta sa kanya at kung bakit maging kagaya kay Leni, eh mga pro ano ‘yan eh dyan na nga ako takot eh, mga pro communist ‘yan eh,” giit ni Duterte.

Hindi rin daw alam at hindi nagustuhan ng Presidente ang pagtakbo ng anak na si Davao City Maro Sara Duterte-Carpio sa pagka-VP.

“I said in a matter of hours you would know I will make the announcement, baka, to ano lang, para malaman ng tao na hindi ko nagustuhan ang nangyari. ‘Di ko naman siya sinisisi kasi ‘di naman kami nag usap, yung desisyon nila ang ayaw ko. I’m sure yung pagtakbo ni Sara eh desisyon nila Bongbong ‘yun, nagtataka ako dahil siya ang number 1 sa survey kung bakit siya pumayag na tatakbo lang siyang bise, siya yung mataas ang rating eh,” ani Duterte.

Matatandaang naghain ng COC para sa pagka-bise presidente si Sara nitong Sabado, na magiging running-mate ni Bongbong. (Sherrylou Nemis)

The post Duterte hindi suportado si Marcos Jr. first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-hindi-suportado-si-marcos-jr/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-hindi-suportado-si-marcos-jr)