Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na matagal na silang ‘di nag-uusap ng anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Ito ang nilinaw ng pangulo sa panayam sa kanya ng taga-suporta at vlogger na si Banat By.

Naitanong kay Duterte kung ano ang kanyang masasabi sa vice presidential bid ng anak, kung saan sinagot nito na nalaman na lamang niya ang pagtakbo ni Mayor Sara sa nasabing posisyon matapos maibalita ang paghahain nito ng kandidatura.

“Totoo hindi ko talaga alam, nalaman ko nung nag-file siya. Nung nag file siya alam ko na, kasi yung panahon nanghingi siya ng COC dalawa for presidente and vice president hindi ko nga malaman kung ano, ‘di nga kami nag uusap eh,” wika ni Duterte.

“Alam mo naman ang media, don ko nalaman na tatakbo siya na vice president, ‘di ko alam dalawang certificate of candidacy ang hiningi niya sa lakas [Lakas CMD] eh for president at vice president, hindi ko alam, hindi naman ako nagtatanong hindi naman kami nag uusap, matagal na,” dugtong pa ng pangulo.

Ayon pa kay Duterte, nagtataka siya kung bakit bise presidente lang ang tatakbuhan ng kanyang anak gayong ito ang nangunguna sa mga presidential survey.

“I’m sure yung pagtakbo ni Sara eh desisyon nila Bongbong [Marcos] yun, nagtataka ako dahil siya ang number 1 sa survey kung bakit siya pumayag na tatakbo lang siyang bise, siya yung mataas ang rating eh,” ani Duterte.

Samantala, matatandaang nitong Sabado ay ibinuking ni Communications Secretary Martin Andanar na ang pangulo ay pupunta sa tanggapan ng Comelec sa Lunes upang maghain ng kanyang kandidatura sa pagkabise presidente.

The post Duterte kay Inday Sara: ‘Hindi naman kami nag-uusap’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-kay-inday-sara-hindi-naman-kami-nag-uusap/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-kay-inday-sara-hindi-naman-kami-nag-uusap)