Binuweltahan ni Pangulong Rodrigo Duterte sina Senador Dick Gordon at Senador Franklin Drilon matapos siyang akusahan na nag-aabugado umano para sa Pharmally Pharmaceutical Corporation na iniimbestigahan ngayon sa Senado.

Sa kanyang Talk to the People, sinagot ng Pangulo ang dalawang Senador na hindi siya aabot sa pagka-pangulo kung tiwali ito.

Hindi aniya siya katulad nina Drilon at Gordon na mayroong mga boss at tumatanggap ng campaign funds kahit alam na may kalokohan ang nagbibigay ng salapi.

“Huwag ho kayo magpadala diyan sa mga intriga na ako raw abogado, ako raw ano.. Alam mo sa totoo lang Gordon, pati Drilon, hindi ako aabot sa presidency, from my mayorship to the presidency kung corrupt ako kagaya ninyo,” anang Pangulo.

Lumang tugtugin na aniya ang bintang ng mga senador laban sa kanya dahil wala silang makita sa inimbestigahang biniling medical supplies ng gobyerno kaya kung saan-saan na napunta ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.

“Yung sinasabi ninyong pera, ako yung abogado, lumang tugtugin na yan. Alam mo sa totoo lang, sabi ko I would not be President Duterte kung corrupt ako kagaya ninyo,” dagdag ng Pangulo.

Wala aniya sa sistema ni Pangulong Duterte ang pagiging tiwali lalo na pagdating sa pera.

Maaari aniyang sa personal na buhay nito ay maipupula ang mga tao subalit hindi sa pera dahil hindi ito tiwaling opisyal ng gobyerno.

“Wala kayong makukuha sa amin. It’s not in my system about corruption and money. Ibang bagay siguro masabi mo meron akong …pero hindi sa pera. My personal life, well there are some those who would like to criticize me and as a public official I had to accept the criticism,” wika ng Pangulo.

Sinabi ng Presidente na wala siyang pakialam sa Pharmally kahit pa imbestigahan ito ng isang taon ni Gordon basta huwag lang idamay ang mga gabinete dahil nagsalita na ang Commission on Audit na walang nawaldas at naibulsang pera sa pagbili ng medical supply ng gobyerno para sa pagtugon sa COVID-19.

“Pero yung mismong transaksiyon, eh sabi nga ng COA tapos naman sila, there was no overpricing at ang Bayanihan rules sinunod at noong naideliver, binayaran, tapos,” dagdag pa ng Pangulo. (Aileen Taliping)

The post Duterte kina Dick, Drilon: Hindi ako corrupt kagaya ninyo! first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-kina-dick-drilon-hindi-ako-corrupt-kagaya-ninyo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-kina-dick-drilon-hindi-ako-corrupt-kagaya-ninyo)