Inihalintulad ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Rep. Arlene Brosas sa dagang nasusukol si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtakbo nito sa pagkasenador sa darating na halalan.

Ayon kay Brosas, sinira ni Duterte ang kanyang pangako na magreretiro na upang maiwasan na makulong sa mga kasong kakaharapin nito pagbaba sa Malacañang sa susunod na taon.

“Nagtatangkang mag-iwas-rehas si Pangulong Duterte dahil sa hinaharap niyang kaso sa ICC (International Criminal Court) at pagkakadawit niya sa Pharmally scandal. Gusto niyang isuksok ang sarili sa Senado na tila dagang nasusukol,” sabi ni Brosas sa isang pahayag.

Iginiit naman ni Brosas na maaaring tumakbo si Duterte pero hindi nito matatakasan ang kanyang mga dapat mapanagutan sa bayan.

“Justice will surely catch up and put him in the rightful place,” giit nito. “Filipino women will ensure that the number one misogynist will never get close to having a Senate seat. Duterte should exit disgracefully and enter his prison cell in 2022.”

Kinailangan umano ni Duterte na manatiling may kapangyarihan, sabi ni Brosas, dahil nagkawatak-watak na ang kanyang koalisyon. (Billy Begas)

The post Duterte ‘tila dagang nasusukol’ sa pagtakbong senador—Gabriela first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-tila-dagang-nasusukol-sa-pagtakbong-senador-gabriela/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-tila-dagang-nasusukol-sa-pagtakbong-senador-gabriela)