Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga katanungan sa kaniya matapos maghain ng certificate of candidacy sa pagkapangulo si Senador Bong Go nitong Sabado.

Sinagot ng Pangulo sa interview ng isang vlogger na si Banat By, ang mga balita na dinidiktahan lang umano siya ni Senator Go.

“Napaka-kawawa ko naman kung didiktahan lang ako ng isang kasama ko na ano, dito sa trabaho. Dinidiktahan? Ako ang magdikta sa kanya. Hindi ako nagpapadikta, at ako siguro ang nagsasabi sa kanya kung ano ang whats next ika nga. Nagbibigay ako ng guidelines sa kanya,” saad ng Presidente.

“Hindi ako nagpapaikot, ‘di ako maging presidente ng Pilipinas kung pinaikot lang ako ng tao. Hindi ako loko loko tingan mo lang, ilang oras lang magkakaalaman,” dagdag pa nito.

Inamin ni Duterte na siya ang nag-udyok kay kay Go na tumakbong pangulo matapos maghain ni Cebu City Mayor Sara Duterte-Carpio ng kandidatura sa pagka-bise presidente.

“Sabi niya tatakbo si Inday, magwi-withdraw na lang siya ayaw na niya, eh sabi ko ba’t ganon naka umpisa kana eh? Di tumakbo ka nalang na presidente, eh ganon lang pala ang gagawin sayo eh, kasahan na,” ani Duterte.

Naiyak din daw si Go matapos malaman na tatakbong vice president si Sara.

“Umiiyak si Bong, sabi ko wag kang umiyak bat ka iiyak? Ayan bukas ang presidente tumakbo ka, bakit ka iiyak dyan dahil lang anak ko sumingit bigla?” Kwento pa ni Duterte. (Sherrylou Nemis)

The post Duterte tinulak si Bong Go sa presidential race first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/duterte-tinulak-si-bong-go-sa-presidential-race/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=duterte-tinulak-si-bong-go-sa-presidential-race)