Tiwala si Senador Ping Lacson na malaki ang magiging kontribusyon ni retired Philippine National Police chief Guillermo Eleazar kung sakaling manalo siya bilang senador sa 2022.

Ayon kay Lacson, gusto pang ipagpatuloy ni Eleazar ang kanyang pagseserbisyo sa publiko pagkatapos ng kanyang retirement bilang PNP Chief bunsod ng pagsapit ng kanyang ika-56 na kaarawan.

“Mukhang gusto niya. Siya na rin ang nakakaalam. Sa ngayon pagkakaalam ko gusto niya patuloy na pagsilbi sa ibang larangan,” ani Lacson sa kanyang panayam sa DYHB radio.

Sa kanyang panayam, ibinahagi ni Lacson na matagal nang pinag-iisipan ni Eleazar na tumakbo sa pagka-senador. Tulad ni Eleazar, si Lacson ay naging pinuno rin ng PNP mula 1999 hanggang 2001 kung saan naibalik niya ang tiwala ng taumbayan sa kapulisan.

Dagdag pa ni Lacson, noong tinanong nila ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III si Eleazar kung ano ang kanyang plano pagkatapos ng retirement, sinabi ni Eleazar na nais niyang tumakbo sa isang elective position.

Sabi naman ni Eleazar, ipinaalam niya ang planong ito kay DILG Secretary Eduardo Año pero hindi pa ito alam ng kanyang pamilya.

Tiwala si Lacson na na kay Eleazar ang prinsipyo at katangian ng Partido Reporma sa aspeto ng matino at tapat na pamumuno sa bayan.

“Eleazar’s addition to the Partido Reporma senatorial slate reinforces the Lacson-Sotto campaign’s edge in integrity, experience and courage in public service, as they expect the former PNP Chief to bring his toughness on crime and police abuse to the Senate with respect to legislation relevant to peace and order,” ayon kay Lacson.

Pinasalamatan naman ni Lacson si Paolo “Powee” Capino sa pagsama sa Lacson-Sotto tandem at Partido Reporma sa kabila ng kanyang desisyon na umatras sa laban sa pagka-senador nitong Biyernes.

“You would have represented well the PWD sector in the Senate. Nevertheless, Tito Sotto and I sincerely respect your decision. Good luck!” sabi ni Lacson sa kanyang Twitter post. (Dindo Matining)

The post Eleazar swak maging senador – Lacson first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/eleazar-swak-maging-senador-lacson/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=eleazar-swak-maging-senador-lacson)