Sa pagbangon ng bansa mula sa hagupit ng pandemya ng COVID-19, dapat itaguyod ang mga karapatan at kapakanan ng mga kabataan.

Ito ang mensahe ni Senador Win Gatchalian para sa pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong Nobyembre.

Sabi ng senador, nagdulot ng pinsala sa mga kabataan ang pagsasara ng mga paaralan at ang mga paghihigpit sa gitna ng pandemya.

Nagsimula na ang pagbabakuna sa mga menor de edad mula 12 hanggang 17 taong gulang, samantalang nakatakda naman ang pagsisimula ngayong buwan ng pilot test ng limited face-to-face classes.

Ayon sa senador, mahalagang magkaroon din ng programa para sa learning recovery upang makahabol ang mga mag-aaral mula sa kawalan ng face-to-face classes.

Inihain kamakailan ni Gatchalian ang Senate Bill No. 2355 na layong itatag at ipatupad ang isang learning recovery program na tatawaging Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL).

Magiging saklaw ng panukalang programa ang most essential learning competencies sa Language at Mathematics para sa Grade 1 hanggang Grade 10, at Science para sa Grade 3 hanggang Grade 10. Para sa mga mag-aaral ng Kindergarten, tututukan naman ang literacy at numeracy.

Target ng naturang programa ang mga hindi nag-enroll noong nagdaang school year at iyong mga nahihirapan sa Language, Mathematics, at Science. Isinusulong din ng programa ang pagbibigay ng suporta pagdating sa nutrisyon at kalusugan, pati na sa mental health ng mga mag-aaral.

Tinataya ng National Economic and Development Authority (NEDA) na labing isang (11) trilyong piso ang mawawala sa bansa dahil sa isang taong walang face-to-face classes. (Dindo Matining)

The post Gatchalian: Itaguyod kapakanan ng kabataan first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/gatchalian-itaguyod-kapakanan-ng-kabataan/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=gatchalian-itaguyod-kapakanan-ng-kabataan)