Para matigil na ang ghost projects at iba pang uri ng korapsyon sa mga programang pang-imprastraktura ng gobyerno, plano ni Senador Ping Lacson na magpatupad ng isang geo-tagging system sa unang 100 araw ng kanyang termino sakaling manalo siya sa pagka-Pangulo sa 2022.

Sabi ni Lacson, ang pagkakaroon ng geo-tagging system ay magpapakita na seryoso siya sa kanyang zero-tolerance policy laban sa mga kahina-hinalang contractors at ang kanilang mga benefactors.

“Integrity in our infrastructure spending must be built on transparency and accountability. I will institute a geo-tagging system to provide an open data visualization platform containing all public infrastructure projects. Lahat ng proyekto — kahit ghost projects pa — makikita ng publiko,” pahayag ni Lacson na tumatayong presidential standard bearer ng Partido Reporma sa kanyang pagdalo sa Philippine Chamber of Commerce and Industry 47th Philippine Business Conference and Expo.

“We will impose zero tolerance to erring contractors and their benefactors,” dagdag nito.

Binigyang-diin ni Lacson na mahalaga ang paggastos sa imprastraktura ngunit dapat na makita ng taumbayan kung saan napupunta ang pondong nakalaan dito sa pamamagitan ng konkretong resulta tulad ng pagluwag sa daloy ng trapiko, pagbaba sa pamasahe at ang pagiging konektado ng mga siyudad at probinsya sa bansa.

Mahalaga din aniya na maipagpatuloy ang pagpondo sa mga priority projects sa pamamagitan ng pagkakaroon ng time-bound targets. Kabilang sa nais niyang bigyang prayoridad ang mga transport systems para sa food supply chain, inter-island connectivity, regional food terminals at health facilities.

Isa pa sa nais ni Lacson na ipatupad ay ang paggawa ng climate-resilient infrastructure, at ang pagpapatigil sa mga nakagawiang “preventive maintenance” kung saan dini-demolish ang maayos na kalsada

Ang mga proyektong ito ay magiging automatic sa oras na maipatupad ng administrasyong Lacson ang isang National Broadband Program para pag-isahin at i-automate ang lahat ng government transactions para sa mas pinabilis na transaksyon, mas pinataas na pagkolekta ng buwis, at pagsugpo sa korapsyon sa lahat ng antas ng burukrasya. (Dindo Matining)

The post Geo-tagging pangontra ni Lacson sa ghost infra projects first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/geo-tagging-pangontra-ni-lacson-sa-ghost-infra-projects/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=geo-tagging-pangontra-ni-lacson-sa-ghost-infra-projects)