Muling nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa pamahalaan na magbigay ng cash incentive sa mga nabakunahan nang miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa halip na gawing mandatory ang pagbabakuna laban sa COVID-19.
“Muli po akong nananawagan sa gobyerno na pag-aralan ang posibilidad na bigyan ng dagdag ayuda bilang insentibo ang mga fully vaccinated na miyembro ng 4Ps,” sabi ni Go.
“Sa paraang ito, naengganyo na natin silang magpabakuna, nabigyan pa natin sila ng dagdag na tulong. Bagamat walang pilitan, wala rin naman tayong tigil na hikayatin sila dahil bakuna ang tanging susi at solusyon tungo sa pagbalik sa normal na pamumuhay,” dagdag nito.
Binigyang-diin ng presidential aspirant na walang dapat maiwan sa ‘road to recovery’ ng bansa.
“Hindi pwedeng may maiwan sa ating muling pagbangon. Lalo na ‘yung pinaka-mahihirap at pinaka-nangangailangan,” ani Go.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development, tinatayang 16 porsiyento lang 4.17 milyong aktibong miyembro ng 4Ps ang nabakunahan sa kasalukuyan.
Isinusulong ng DSWD na magbigay ng P3,000 post-vaccination health support sa mga benepisyaryo nang sa gayon ay mahimok silang magpabakuna.
Mahigit P2.2 bilyong badyet ang kinakailangan para maipatupad ang naturang programa.
“Hindi katanggap tanggap na 16% lang ang bakunado na 4Ps. Bagama’t di natin sila mapilit, ‘wag tayong tumigil sa pag-engganyo sa kanila,” sabi ni Go.
“Sa dagdag ayuda bilang insentibo, matulungan na natin sila sa kabuhayan, makapagligtas pa ng buhay, mapabilis ang pagbalik sa normal na pamumuhay,” saad pa nito. (Dindo Matining)
The post Go humirit insentibo para sa bakunadong 4Ps member first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/go-humirit-insentibo-para-sa-bakunadong-4ps-member/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=go-humirit-insentibo-para-sa-bakunadong-4ps-member)
0 Mga Komento