Bagama’t patuloy na tumataas ang inilalaang pondo para sa pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Republic Act No. 10931) o free higher education law, pinuna ni Senador Win Gatchalian na may ilang kwalipikadong mga mag-aaral ang hindi pa rin nakakapasok sa State Universities and Colleges (SUCs) kahit na naipasa na nila ang admission exam.
Ibinahagi ni Gatchalian ang kanyang naging konsultasyon sa mga pangulo ng SUCs kung saan napag-alaman niya na may ilang mga mag-aaral ang hindi natutuloy sa pagpasok dahil sa kakulangan sa mga silid-aralan, pasilidad, mga laboratoryo, mga guro at iba pang mga pangangailangan. Si Gatchalian ang isa sa mga may akda at co-sponsor ng free higher education law.
“Hindi lahat ng nakakapasa sa mga admission exam ay nabibigyan ng libreng edukasyon sa kolehiyo at hindi nila ito pagkukulang. Nakakapanghinayang na hindi napapakinabangan ng maraming mga deserving at qualified na mag-aaral sa kolehiyo ang libreng matrikula dahil lang sa kakulangan sa kapasidad ng ibang mga paaralan,” ani Gatchalian.
Sabi nito, maaring mas mataas pa ang participation rate sa higher education ng bansa kung naiangat ang kapasidad ng mga SUCs.
Ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) Institute of Statistics, apatnapu’t isang (41) porsyento ang participation rate sa bansa pagdating sa higher education, kabilang ang enrollment sa Technical-Vocational Education and Training (TVET) programs. Ang participation rate ng Pilipinas pagdating sa higher education ang pang-apat sa ASEAN.
Binigyang diin din ni Gatchalian na kinakailangan ang roadmap upang matugunan ang hamon ng mga SUCs pagdating sa kanilang kapasidad.
Dahil wala pang sapat na datos sa kasalukuyan, hiniling ni Gatchalian mula sa Commission on Higher Education (CHED) ang bilang ng mga apektadong mag-aaral dahil sa kakulangan sa kapasidad ng mga SUCs.
“Tumataas ang populasyon ng ating mga mag-aaral ngunit mapapataas pa natin ito kung matutugunan natin ang mga isyu ng SUCs pagdating sa kapasidad,” ani Gatchalian.
“Hinihimok ko ang Komisyon na suriin ito nang mabuti. Hindi man ito maayos agad pero mahalagang ngayon pa lang ay magkaroon na tayo ng target na maaari nating maabot sa mga susunod na taon,” saad pa nito. (Dindo Matining)
Viva Hot Babe Sheree Bautista @ Tambayan ng Tsika!
Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ilang-college-student-hindi-nakatanggap-ng-free-tuition-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ilang-college-student-hindi-nakatanggap-ng-free-tuition-gatchalian)
0 Mga Komento