Isang administrasyong bukas sa kritisismo ng oposisyon umano ang ilalatag ni presidential aspirant at Manila Mayor Isko Moreno sakaling mahalal sa 2022.

Sa panayam ng DXDD, sinabi ni Moreno na pakikinggan niya ang panig ng oposisyon at titimbangin ito sa mga desisyon na kanyang gagawin kapag siya ay naging pangulo.

“I will try to be reasonable to them. I will listen first to them, kung valid ba ang kanilang pagiging oposisyon sa isang bagay. Then, if it makes sense, then I’ll listen. If not, diretso ulit. Kasi ikaw ang binoto ng tao. Ikaw yung aasahan. Ikaw yung mamamahala,” wika ni Moreno.

Pagmamalaki ni Moreno, sa kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Maynila ay nagawa na niya ang pagiging bukas sa mungkahi ng mga taga-oposisyon.

“Thirty-eight councilors ‘yan (plus) Vice Mayor. Halal din ‘yan ng bayan. Marami diyan, mga lawyers, mga kilalang pamilya. Pero nung ako ang namamahala, kinakausap ko sila and try to be reasonable. Nagiging makatwiran tayo sa kanila,” ani Moreno.

“I try to convince [them] as much as possible. Kasi ang sabi ko sa kanila, basta tayo, malaya ang diskurso. Malaya ang debate.”

“Pero yung mga debate, diskurso na ‘yan, walang magagawa sa buhay ng tao ‘yan. Gusto ko, pagtiklop ng araw, may desisyon,” dugtong pa ng alkalde.

Si Moreno ay tumatayong standard-bearer ng Aksyon Demokratiko kung saan running mate niya si Dr. Willie Ong. (mjd)

The post Isko pwede kontrahin ‘pag naging pangulo first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/isko-pwede-kontrahin-pag-naging-pangulo/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=isko-pwede-kontrahin-pag-naging-pangulo)