Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya papansinin ang pagsisiyasat ng International Criminal Court (ICC) sa anti-drug campaign.

Sa pagkakataong ito, sinabing hindi siya lalahok sa imbestigasyon kahit na magyelo pa ang impyerno.

Sa naganap na inagurasyon ng seaport expansion project sa Puerto Princesa, Huwebes, mariing tinanggihan ng Pangulo ang posibilidad na pagharap sa paglilitis sa ibang bansa laban sa kampanya kontra droga.

“I will never accept jurisdiction. Mag ice na ang impyerno, hindi ako papagayag sa kalokohan nila,” ani nito.

Inulit pa nito, hindi niya papayagan ang kanyang sarili na litisin at usigin ng ‘mga puti’ sa isang dayuhang hukuman.

“Ako? Haharap ng mga judges na puti? P***** *** nila,” sabi ni Duterte.

Binanggit din niya na ang ICC ay walang jurisdiction sa Pilipinas kasunod ng pag-alis ng bansa sa Rome Statute noong 2019.

Noong nakaraang buwan, pinahintulutan ng pre-trial chamber ng ICC ang pagsisimula ng imbestigasyon sa drug war dahil sa umano’y mga pang-aabusong ginawa mula Hulyo 2016 hanggang Marso 2019. Gayundin ang mga kaso noong Nobyembre 2011 hanggang Hunyo 2016, noong mayor pa si Duterte ng Davao City. (Sherrylou Nemis)

The post Kahit magyelo pa impyerno! Duterte ayaw palitis sa mga foreigner first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kahit-magyelo-pa-impyerno-duterte-ayaw-palitis-sa-mga-foreignera/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kahit-magyelo-pa-impyerno-duterte-ayaw-palitis-sa-mga-foreignera)