Binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng ligtas na pagbabalik-eskwela kasunod ng isa na namang lumabas na pag-aaral na nagpapakita ng mga suliranin sa distance learning.

Sabi nito, hindi na dapat umabot pa sa dalawang taon ang kawalan ng face-to-face classes.

Sa pag-aaral na isinagawa ng Psychosocial Support and Children’s Rights Resource Center (PSTCRRC) na kinomisyon ng Save the Children Philippines, 67% ng mga mag-aaral na lumahok ang nagsabing nahihirapan sila sa mga modules at online classes.

Samantala, 33% naman ang nagsabing hirap silang ganahan sa pag-aaral. Hindi rin daw akma ang tahanan para sa maayos na pag-aaral.

Ang naturang pag-aaral ay gumamit ng semi-structured interviews sa 126 na mga kalahok. Limampu’t lima sa kanila ay mga kabataang may edad 13 hanggang 18. Pitumpu’t isa naman sa mga kahalok ay mga magulang, primary caregivers, o kaya naman ay mga guardian ng mga batang may edad na 6 hanggang 12. Ang mga kalahok ay mula sa mga piling lugar ng Metro Manila.

“Ngayong nagsimula na tayo ng pagbabakuna sa mga menor de edad, hindi natin dapat hayaang umabot pa sa dalawang taon ang kawalan ng face-to-face classes,” pahayag ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

“Malinaw mula sa mga pag-aaral na ang kawalan ng face-to-face classes ay may malaking pinsala sa mga kabataan. Dapat ding gawin natin ang lahat ng hakbang upang matiyak ang kaligtasan nila sakaling bumalik na sila sa mga paaralan,” dagdag pa nito.

Inihayag kamakailan ng gobyerno na ang pagbabakuna sa lahat ng mga menor de edad na may edad 12 hanggang 17 ay magsisimula na bukas, Nobyembre 3. Balak tapusin ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga kabataang ito ngayong Disyembre, ngunit posible rin itong umabot ng Enero o Pebrero depende sa darating na suplay ng bakuna.

Base sa pinakahuling ulat, may 90 na mga pampublikong paaralan ang inaasahang lalahok sa pilot test ng limited face-to-face classes. Dalawang buwan oobserbahan at susuriin ang mga paaralang ito, samantalang inaasahan naman ang pagpapalawig sa face-to-face classes sa Marso ng susunod na taon.

Binigyang diin ni Gatchalian na sa panahong iyan ay aabot na ng dalawang taon simula noong isara ang mga paaralan dahil sa COVID-19 pandemic. (Dindo Matining)

The post Kawalan ng face-to-face classes ‘wag paabutin 2 taon – Win first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/kawalan-ng-face-to-face-classes-wag-paabutin-2-taon-win/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=kawalan-ng-face-to-face-classes-wag-paabutin-2-taon-win)