Ikinababahala ni Senador Win Gatchalian ang isang ulat ng World Bank na nagsasabing lumala ang “learning poverty” sa bansa o umabot na ito sa siyamnapung (90) porsyento.

Ang learning poverty ay kapag hindi marunong magbasa at umunawa ng simpleng kwento ang bata sa edad na sampu.

Sinasalamin ng bagong naitalang learning poverty ang datos mula sa 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), isang assessment report sa buong rehiyon.

Noong 2019, ang learning poverty na naitala sa bansa ay halos pitumpung (69.5) porsyento batay sa mga naging resulta ng 2003 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS) na isa ring international assessment.

Kung ihahambing sa face-to-face classes bago sumiklab ang pandemya ng COVID-19, mas nahihirapan ang mga mag-aaral sa distance learning, ayon sa ulat ng World Bank.

Sa ulat na pinamagatang “Remote Learning During COVID-19: Lessons from Today, Principles for Tomorrow,” tinatayang dalawampung (20) porsyento lamang ng mga sambahayan sa bansa ang saklaw ng distance learning buhat noong Marso 2021 tulad ng naitala sa bansang Ethiopia.

“Nakakabahalang malaman na siyam sa bawat sampu sa ating mga kabataang may edad na sampu ang hindi nakakapagbasa, lalo na’t nagsisilbi itong pundasyon ng kanilang kakayahan. Kung hindi natin ito matutugunan, lalong mapag-iiwanan ang ating mga kabataan,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Para kay Gatchalian, ipinapakita ng ulat na dapat bigyang prayoridad ang ligtas na pagbubukas ng mga paaralan para sa face-to-face classes.

Dapat din aniyang magdagdag ng mga pilot schools imbes na hintayin ang nakatakdang pagpapalawig ng dry run sa Marso ng susunod na taon. Kasabay ng pagbubukas ng mga paaralan, ipinapanukala ni Gatchalian ang pagkakaroon ng learning recovery program. (Dindo Matining)

Abantelliling with Ritz Azul

The post ‘Learning poverty’ sa Pilipinas lumala – Gatchalian first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/learning-poverty-sa-pilipinas-lumala-gatchalian/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=learning-poverty-sa-pilipinas-lumala-gatchalian)