Isa ang Quezon City sa pinakamayamang lungsod sa Pilipinas pero kakarampot lamang ng mga residente nito ang nakakapagtapos ng kolehiyo.

Ayon kay Anakalusugan Rep. Mike Defensor, nakakalungkot na napabayaan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang pag-aaral ng mga residente nito sa mahabang panahon.

“Ito kailangan namin tutukan ‘to para bumuti ang buhay ng maraming taga-Quezon City,” sabi ni Defensor.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang pinakamalaking bahagi ng populasyon ng Quezon City ay nakapag-high school o nakapagtapos ng high school. Ito ay 1,02 milyong indibidwal o 38.35% ng populasyon.

Sumunod naman ang nakapag-aral ng elementarya o nagtapos ng grade 6 na umaabot sa 528,710 o 19.76% ng populasyon.

Ang mga nakapag-aral ng kolehiyo pero hindi naka-graduate ay 413,215 o 15.44% ng populasyon.

Ang mga academic degree holder o nagtapos ng kolehiyo ay 494,623 o 18.49% ng populasyon.

Ang mga nakapagtapos naman ng vocational courses ay 78,915 o 2.95% ng populasyon.

Ang mga kumuha naman ng Master Courses ay 10,517 o 0.39% ng populasyon.

Ang populasyon ng Quezon City ay nasa 2.9 milyon.

Ipinunto ni Defensor na kung nagagawa ng ibang lungsod na pag-aralin hanggang kolehiyo ang kanilang mga residente kaya rin itong gawin ng Quezon City na ikalawang pinakamayamang lungsod sa bansa sunod sa Makati City.

Ang kabuuang asset ng QC ay P96.4 bilyon, ayon sa Commission on Audit (COA).

“So sa akin bigyan mo yan ng free tuition, bigyan mo yan ng allowance pag-aralin mo so that magkaroon sila ng talino at galing at later on magkaroon sila ng kabuhayan at mabago nila ang kanilang buhay,” dagdag pa ni Defensor.

The post Libreng tuition, allowance sa kolehiyo ng QC tangka ni Defensor first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/libreng-tuition-allowance-sa-kolehiyo-ng-qc-tangka-ni-defensor/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=libreng-tuition-allowance-sa-kolehiyo-ng-qc-tangka-ni-defensor)