Nanawagan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga operator ng public utility jeepney (PUJ) ngayong Huwebes na ibigay sa mga tsuper ang kanilang mga Pantawid Pasada Program (PPP) card.

Ayon kay LTFRB chairman Martin Delgra II, nakasaad sa TRAIN Law na ang mga benepisyaryo ng PPP card ay mga kwalipikadong may-ari ng prangkisa ng mga PUJ.

Gayunman, dahil ang mga tsuper pa rin umano ang pumapasan sa gastusin ng kanilang krudo, marapat lamang na ibigay sa kanila ang mga PPP card.

“However, ang nagmamaneho naman ang gumagastos ng krudo, so karapat-dapat lang na ‘yung cards na ‘yan maibigay ‘yan sa drivers kasi ito pong Pantawid Pasada Program or fuel subsidy ay para po ito sa mga bumibili ng krudo sa kanilang araw-araw na pamamasada,” pahayag ni Delgra sa panayam ng Unang Balita.

Sa PPP card nakapaloob ang subsidiya para sa diesel ng mga tsuper, na nagkakahalaga ng P7,200.

Dugtong pa ni Delgra, sa ngayon ay may 85,000 na PPP card sa buong bansa, at may kailangan pang ilabas ang Landbank na mahigit 50,000 card.

“Sa pangkalahatan po, we have determined all across the country mga 136,230 units for this year. So, meron tayong mga active cards of 85K, ‘yung remaining number, Landbank has committed to print the remaining card of something like 50-51K cards at maibahagi na rin ito sa wala pang cards para paggagamitan po ito doon sa mga participating gas stations,” aniya. (mjd)

The post LTFRB sa mga operator: PPP card ibigay sa tsuper first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ltfrb-sa-mga-operator-ppp-card-ibigay-sa-tsuper/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ltfrb-sa-mga-operator-ppp-card-ibigay-sa-tsuper)