Kinondena ng mga miyembro ng Makabayan bloc ang umano’y pagtatanim ng tarpaulin ng awtoridad upang i-ugnay sila sa New Peoples Army.

Sinabi ng Gabriela Women’s Party na hindi kanila ang tarpaulin na may nakasulat na “Para sa Babe, Bata at Bayan” na mukhang kinopya sa kanilang slogan na “Para sa Babae, Bata at Bayan.”

“Maybe the police officers have been so accustomed to using “babe” in their flirtatious relations with several women, or they were rushing to print the fake tarps ahead of our own printing without diligent proofreading,” sabi ng Gabriela sa isang pahayag.

Nakakapanghinayang din umano na ginagastusan pa ng pera ng bayan ang mga ganitong modus sa kabila ng kakulangan ng budget para matugunan ang pangangailangan ng publiko.

Ayon sa pulisya, ang mga tarpaulin ng Gabriela at Bayan Muna ay narekober sa operasyon sa Quezon City at Bulacan kamakailan.

Sinabi naman ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na gagamitin ng Makabayan bloc ang lahat ng legal na pamamaraan upang mapanagot ang nasa likod nito.

“Sana kung magtanim tarpaulin naman itong mga pulis para lang magpakitang gilas, i-proof read naman nila ang text ng tarp,” sabi ni Zarate. “Sa katunayan, mas nauna pa silang nagpaprint ng tarp kesa sa Bayan Muna.”

Naniniwala si Zarate na ang modus na ito ay nasa “sinister playbook” ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Sa kagustuhang iugnay ang Bayan Muna sa mga rebelde ay mukhang mga pulis na mismo ang nagpaprint ng mga poster namin. Gasgas na ang gimik na ito at dati na nilang ginagawa. Nasasayang talaga ang pera ng taumbayan sa ganitong modus ng administrasyong Duterte,” wika pa ni Zarate. (Billy Begas)

The post Mali ang spelling: Makabayan nabiktima ng ‘tanim-tarpaulin’ first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mali-ang-spelling-makabayan-nabiktima-ng-tanim-tarpaulin/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mali-ang-spelling-makabayan-nabiktima-ng-tanim-tarpaulin)