Taliwas sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ng presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na mahaba ang karanasan ni dating Sen. Ferdinand Marcos Jr., na magagamit nito sa pamumuno sa bansa.

Sa kanyang talumpati sa Davao del Norte, nagpaliwanag ni Carpio kung bakit siya pumayag na maging running mate ni Marcos.

“…Bakit si Bongbong Marcos ang pinili kong partner? Unang-una, he’s a former governor. Walang pwedeng kumuwestyon sa kanyang experience as governor. Parang ako, mayor. Local chief executive. Pangalawa, may experience siya sa House of Representatives. Naging Congressman siya. Pangatlo, naging senador siya. Pinili ninyo, binoto ninyo,” sabi ni Carpio.

Bago naging senador, si Marcos ay naging gubernador at kinatawan ng Ilocos Norte sa Kamara.

“Naniniwala ako, and I confidently believe na ang kanyang experience: gobernador, congressman, senador — ito ang tutulong sa kanya para magampanan niya ang kanyang trabaho bilang pangulo ng Pilipinas,” dagdag pa ng alkalde.

Sa unang pagkakataon mula ng magkaroon ng alyansa ang Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) at Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ay nagsama sa motorcade si Carpio at Marcos.

Si Carpio ang chairperson at vice presidential candidate ng Lakas-CMS at si Marcos naman ay tumatakbo sa pagkapangulo sa ilalim ng PFP.

“Sa huli, iiwan ko sa inyo ang mensahe — sa mga tumatawag pa rin sa akin na President. Ang tinatakbuhan ko ay Vice President. Bakit? Because oftentimes in life, we find ourselves to be a leader. Pero sometimes, in our lives, we need to stand behind another leader,” sabi pa ni Carpio.

Nanawagan din si Carpio sa kanyang mga supporter na proteksyunan ang kanilang boto.

“Hindi tayo dapat na huminto sa suporta. Tiyakin natin na boboto tayo at protektahan natin ang atin mga boto sa darating na Mayo 9 sa susunod na taon. Yan ang dapat nating gawin. Yan ang magagawa ng ating suporta kay Bongbong Marcos at Sara Duterte,” wika pa ni Carpio.

Nauna rito, sinabi ni Pangulong Duterte na dapat ay sa pagkapangulo tumakbo si Carpio. Si Marcos ay mahina rin umanong lider. (Billy Begas)

The post Mali si tatay! Mayor Sara tiwala sa karanasan ni Marcos Jr. first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mali-si-tatay-mayor-sara-tiwala-sa-karanasan-ni-marcos-jr/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mali-si-tatay-mayor-sara-tiwala-sa-karanasan-ni-marcos-jr)