Ipagpapatuloy ni Presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice Presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang mga nagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang vlog na naka-post sa YouTube ni Marcos, sinabi nito na maraming katanungan na ang nasagot sa pulitika nitong nagdaang linggo.

“Punong puno na naman ang nakaraang linggo sa mga pangyayari sa pulitika. Marami sa mga katanungan natin ay nabigyan na ng sagot dito sa mga pangyayaring ito,” ani Marcos.

Samantala, ang kaniyang running mate na si Sara Duterte ay lumabas sa vlog sa unang pagkakataon mula noong sila ay nagsanib-puwersa.

“Ang aking partido ay nakipag-alyansa at humingi ng suporta para kay Bongbong Marcos at para sa akin matapos kong tanggapin ang inyong hamon at panawagan,” saad ni Sara.

Dagdag pa riyan, inihayag ni Marcos na tiwala ito sa pakikipag-alyansa sa anak ng Pangulo upang maipagpatuloy ang mga nasimulan ng Duterte Administration.

“Tiwala ako sa binuo naming pagkakaisa na uni-team ni Mayor Inday Sara at sa pinagbuklod naming layunin na ituloy ang mga magandang nasimulan ni Pangulong Duterte para sa ating bansa ay magiging matagumpay tayo sa inaasam nating pagbangon at kaunlaran,” pahayag nito.

Saad naman ni Sara, “Ang layunin natin ay hindi lamang ituloy ang mga magagandang nasimulan ni Pangulong Duterte, kundi ang mas pagbutihin at mas palawigin pa ang mga ito.”

Pinasalamatan din ni Marcos ang kanyang mga tagasuporta na nakiisa sa mga motorcade tuwing weekend sa iba’t ibang bahagi ng bansa para isulong ang kanyang kampanya. (Sherrylou Nemis)
Viva Hot Babe Sheree Bautista @ Tambayan ng Tsika!

The post Marcos-Duterte itutuloy ang nasimulan ng Duterte Administration first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/marcos-duterte-itutuloy-ang-nasimulan-ng-duterte-administration/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=marcos-duterte-itutuloy-ang-nasimulan-ng-duterte-administration)