Wala umanong hininging kondisyon si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa kanyang paglipat sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD).

Ayon kay House Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez binasa ni Carpio ang oath of membership ng partido at pinirmahan ito nang walang itinatakdang kondisyon.

“Wala po, walang anuman na hiningi,” sabi ni Romualdez, pangulo ng Lakas-CMD, sa isang virtual interview.

Ang paglipat ni Carpio sa Lakas-CMD ay lalo pang nagpainit sa espekulasyon na tatakbo ito sa isang national position.

Nang tanungin kung anong posisyon ang tatakbuhan ni Carpio, sinabi ni Romualdez na malalaman ang desisyon bago matapos ang weekend.

“The position that she will run for will be known most likely within this weekend. You will be among the first who will hear about it. A bit of patience as we make preparations and consultations with Mayor Inday and party leadership,” dagdag pa ni Romualdez.

Si Carpio ay mayroong hanggang Lunes, ang deadline ng paghahain ng aplikasyon para sa substitution.

Maaari siyang humalili kay Lakas-CMD executive director Anna Capella Velasco na naghain ng certificate of candidacy para sa pagkapangulo o kay Lyle Fernando Uy na tumatakbong bise presidente.

The post Mayor Sara walang kondisyon sa lipat Lakas-CMD first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mayor-sara-walang-kondisyon-sa-lipat-lakas-cmd/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mayor-sara-walang-kondisyon-sa-lipat-lakas-cmd)