Napuno ng masigabong palakpakan at sayawan ang “Online Kumustahan” ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at running mate nito na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III mula sa kanilang mga millennial supporter sa San Fernando, Pampanga.

Bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa Lacson-Sotto tandem, nagsagawa ng flash mob ang mga dance group na nagmula sa Region 1, 2, 3, 4A, 4B at National Capital Region.

Mas sumaya pa ang crowd nang sorpresahin nina Lacson at Sotto ang mga dancer at youth group sa pamamagitan ng pagdoble sa grand prize ng Philipine Dance Competition 2021 na ginanap sa LausGroup Event Centre.

Umabot sa P100,000 ang grand prize, habang ang iba pang papremyo ay dinoble rin ng Partido Reporma chairman at ni Sotto. P80,000 ang matatanggap ng second place, P60,000 para sa third place, P40,000 naman sa fourth place at tig-P10,000 ang grupo na makakatanggap ng consolation prize para sa kompetisyon.

Sa kanyang talumpati bago ang kompetisyon, pinuri ni Sotto – na isa ring batikang singer, aktor, at TV host – ang mga kabataan na nagparehistro para sa 2022 election. Nagpaalala rin ito na kailangan ng bansa ng mga lider na tapat at may magandang track record.

“Ramdam namin ang pulso ng kabataan, kaya imbes na mag-retire kami ni President Ping, inalam namin kung paano resolbahin ang mga problema ng bayan. Kaya aasa kami sa tulong ninyong mga kabataan, habang kami naman ang tutulong sa ating bansa,” sabi ni Sotto.

Kasama rin ng Lacson-Sotto tandem ang kanilang mga kandidato sa pagkasenador na sina Dr. Minguita Padilla, Monsour del Rosario, at dating Philippine National Police Chief Gen. Guillermo Eleazar.

The post Mga dancer pinasaya ng Lacson-Sotto tandem first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-dancer-pinasaya-ng-lacson-sotto-tandem/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-dancer-pinasaya-ng-lacson-sotto-tandem)