Nagkaisa ang iba’t ibang mga grupo ng kabataan, dancer, at vlogger para magpakita ng kanilang suporta kay Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson at running mate nito na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ngayong Linggo, Nobyembre 14.

Intensyon ng mga grupo ng kabataan na kasabay ng pagpapakita ng kanilang talento sa Philippine Dance Competition ay maipahayag din ang kanilang pagsuporta sa Lacson-Sotto tandem.

Galing sa iba’t ibang rehiyon sa Luzon tulad ng Region 1, 2, 3, 4A, 4B at National Capital Region ang 25 dance group, kasama rin ang mga vlogger at youth group na boluntaryong nag-organisa ng kanilang sariling programa para maipakita ang pagsuporta nila sa tandem ni Lacson-Sotto.

Inimbitahan ng grupo sina Lacson, Sotto at mga senatorial candidate nito kabilang sina Dr. Minguita Padilla at Monsour del Rosario para makapagbigay ng mensahe at makausap nang personal ang kanilang mga millennial supporter na nasa mismong event at mga nag-aabang din sa livestream sa YouTube.

Siniguro ng mga organizer na mapananatili ang kaligtasan sa event kaugnay na rin ng pag-iingat laban sa pagkalat ng COVID-19 at susundin ang health protocol tulad ng social o physical distancing.

The post Mga youth group, vlogger todo suporta sa Lacson-Sotto tandem first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/mga-youth-group-vlogger-todo-suporta-sa-lacson-sotto-tandem/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=mga-youth-group-vlogger-todo-suporta-sa-lacson-sotto-tandem)