Nagpahayag ng pagkadismaya si Anakalusugan Rep. Mike Defensor sa ginagawa umanong pagpapahirap ng Quezon City government sa mga residente ng lungsod na nangangailangan ng tulong.

Kung titignan umano ang nangyaring pagdagsa ng tao sa Quezon City hall noong Biyernes, Oktobre 29, sinabi ni Defensor na parang walang natutunan ang lokal na pamahalaan kung papaano makapagbibigay ng ayuda nang hindi nagsisiksikan ang mga tao.

“Maganda yung programa, tama naman na may programang pangkabuhayan pero bakit kailangan papilahin mo yung tao sa city hall? Bakit kailangan magdikit-dikit?” tanong ni Defensor.

Dumagsa ang maraming tao sa Quezon City hall noong Biyernes para makakuha ng tulong sa ilalim ng Pangkabuhayang QC program.

Nagtataka rin si Defensor kung bakit kailangan pang tipunin sa city hall ang mga humihingi ng tulong.

Punto ni Defensor, pwedeng ibaba ang programa ng lokal na pamahalaan sa mga barangay para hindi na kailangang pumunta pa sa city hall at gumastos sa pamasahe.

Maaari na rin umanong gawing online ang paghahain ng aplikasyon para makakuha ng tulong. Ang mga walang kaalaman sa computer o walang gadget ay maaaring tulungan ng barangay.

“Bakit kailangan pahirapan yung mamamayan na pwede namang gawin sa barangay, pwede namang gawing online, kaya sabi ko nga hindi na natuto itong ating lokal na gobyerno,” sabi pa ni Defensor.

Ilang beses na umanong nagbigay ng ayuda ang lokal na pamahalaan pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nito natututunan ang tamang paraan para hindi mahirapan ang tao at mailayo ang mga ito sa posibilidad na mahawa.

“Hindi ko siya pinipersonal pero hindi na natuto si Mayor Joy,” wika pa ni Defensor.

Ang pagpapahirap sa mga tao na kumukuha ng serbisyo ng gobyerno ay taliwas din sa polisiya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

The post Nangangailangan ng tulong pinapahirapan ng QC gov’t—Defensor first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/nangangailangan-ng-tulong-pinapahirapan-ng-qc-govt-defensor/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=nangangailangan-ng-tulong-pinapahirapan-ng-qc-govt-defensor)