Ang pondo para sa medical scholarship ay pinalaki sa P2.6 bilyon para sa 2022 upang palawakin pa ang pagpapatupad ng Doktor Para sa Bayan Act na naglalayong lumikha ng libo-libong bagong doktor kada taon.

Ayon kay Senador Joel Villanueva, pangunahing sponsor ng batas, ang P2.6 bilyon ay ipapamahagi sa state universities and colleges o SUCs na may M.D. program, sa Department of Health (DOH) at sa Commission on Higher Education (CHED).

Aabot sa 16 na state universities ang maghahati sa tinatayang P1.3 bilyon sa pagtatayo o pagpapalawig ng kanilang programa sa medisina.

Ang RA 11509, o ang Doktor Para sa Bayan Act, ay may layunin na makapagpa-graduate ng mas maraming doktor sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship sa mga mag-aaral. Sagot nito ang tuition at living allowances, maging ang gastos sa pag-review para sa board exams.

Mayroon rin return service provision sa ilalim ng batas kung saan minamandato ang paglikha ng plantilla position para sa mga scholar na nakapasa sa board upang magsilbi ng isang taon sa bawat taong naging kabilang sa scholarship program.

Ang kasalukuyang ratio ng doktor-sa-populasyon ay tatlo sa bawat 10,000, pero ang layunin ay mapataas ito sa WHO standard na 10 kada 10,000.

“Kailangan po ng 12,165 medicine graduates kada taon para marating ang 10:10,000 sa taong 2030. Sa kasalukuyan, mayroon pong 7 rehiyon sa bansa ang walang SUC na nagooffer ng med school, at maraming munisipalidad ang walang doktor,” sabi ni Villanueva.

Kabilang sa mga SUCs na makakatanggap ng karagdagang pondo upang matustusan ang pagtatatag ng kanilang college of medicine ang Cavite State University, Batangas State University, at Isabela State University sa Luzon habang ang University of Southern Mindanao at Mindanao State University – General Santos ay makakakuha rin ng pondo para itayo ang kanilang medicine programs sa Mindanao.

“May pondo na sila sa susunod na taon para magtayo ng M.D. program nila,” sabi ni Villanueva. (Dindo Matining)

The post P2.6-B dagdag-pondo sa ‘Doktor para sa Bayan’ – Villanueva first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/p2-6-b-dagdag-pondo-sa-doktor-para-sa-bayan-villanueva/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=p2-6-b-dagdag-pondo-sa-doktor-para-sa-bayan-villanueva)