Gigil na si presidential aspirant at Senador Manny Pacquiao na sumalang sa presidential debate dahil handa na umano siyang patunayan na mali ang iniisip ng mga taong nagdududa sa kanyang kakayahang mamuno ng bansa.

Sa kanyang pagharap sa ilang pastor sa Bulacan noong Miyerkoles, sinabi ni Pacquiao na gaya ng pagmamaliit sa kanya ng mga tao noong nagsisimula pa lamang siya sa boksing, papatunayan din niyang mali ang mga taong nagmamaliit sa kanya sa politika.

“Gusto ko silang makaharap sa debate eh, lalo na yung mga nagi-isip na ‘Ah, si Manny, wala naman ’yang alam . . . Bigyan n’yo lang po ako ng pagkakataon, sa 6 na taon, at ipapakita ko po sa inyo kung ano ’yung tao na ina-underestimate nila at minamaliit nila. Katulad nu’ng pagmaliit nila sa akin nung ako’y nagsisimula sa boxing,” wika ni Pacquiao.

Kahit umano minaliit siya ng marami noong nagsisimula pa lamang siya sa boksing, si Pacquiao ang kaisa-isang boksingero sa kasaysayan na nagwagi ng walong title belt sa walong magkakaibang dibisyon.

Aniya, gusto niyang tapatan ang naabot sa boksing sa kanyang karera sa public service.

“Dito sa public service, gusto ko rin pong maging 8-different weight division (champion),” aniya. (mjd)

The post Pacquiao tangka maging 8-division champion sa politika first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pacquiao-tangka-maging-8-division-champion-sa-politika/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pacquiao-tangka-maging-8-division-champion-sa-politika)