Pinuri ni House Speaker Lord Allan Jay Velasco ang hakbang ng mga ahensya ng gobyerno na payagan ang mga medical at nursing students na maging volunteer vaccinator sa ilalim ng National COVID-19 Vaccine Deployment and Vaccination Program.

Ayon kay Velasco, malaki ang maitutulong nito upang mas mabilis na marating ng bansa ang pagbabakuna sa 90% ng populasyon laban sa COVID-19.

Noong Sabado, inanunsyo ng Commission on Higher Education (CHED) na ang mga post-graduate/undergraduate interns, clinical clerks at fourth-year medicine at nursing student ay maaari ng maging vaccinators.

Sa joint memorandum sa pagitan ng CHED at Department of Health, ang mga medical at nursing student ay maaaring mag-volunteer bilang health screeners, vaccinators, at pre/post vaccination monitors sa ilalim ng pangangasiwa ng isang lisensyadong doktor o nurse.

Noong Mayo pa nananawagan si Velasco na payagan ang mga nursing graduate na hindi pa pumapasa sa board examination na maging vaccinator upang matugunan ang kakulangan ng mga magbabakuna laban sa COVID-19. (Billy Begas)

The post Pagkuha ng medical, nursing student bilang taga-turok pinuri first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagkuha-ng-medical-nursing-student-bilang-taga-turok-pinuri/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagkuha-ng-medical-nursing-student-bilang-taga-turok-pinuri)