Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukala na magpapalakas sa mental health services ng state universities and colleges (SUCs).

Walang tumutol sa pagpasa ng panukalang SUCs Mental Health Services Act (House Bill 10284) na pinaboran ng 201 kongresista.

Ayon sa may-akda ng panukala na si Bacolod Rep. Greg Gasataya ang HB 10284 ay dagdag sa Mental Health Act (Republic Act 11036) upang maituon ang serbisyo sa mga kabataan na ngayon ay nakararanas ng matinding pressure dahil sa epekto ng pandemya.

Umaasa si Gasataya na makatutulong ang panukala upang mabawasan ang mga insidente ng pananakit sa sarili at pagpapakamatay.

Sa ilalim ng panukala, aatasan ng Commission on Higher Education (CHED) ang lahat ng SUC na magtayo ng mental health office sa kanilang mga campus.

Gagawa rin ang eskuwelahan ng campus hotline na maaaring matawagan ng mga estudyante at iba pang empleyado ng paaralan upang may makausap na isang nagsanay na guidance counselor. (Billy Begas)

The post Pagpapalakas sa mental health service ng SUCs pasado sa Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagpapalakas-sa-mental-health-service-ng-sucs-pasado-sa-kamara/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagpapalakas-sa-mental-health-service-ng-sucs-pasado-sa-kamara)