Naghain ng resolusyon ang mga miyembro ng Makabayan bloc at pinaiimbestigahan ang umano’y pagpatay sa dalawang magsasaka sa Sampaloc, Quezon.

Sa House Resolution 2372, hiniling din ng mga kongresista sa House Committee on Human Rights na kondenahin ang pagpatay kina Arnold Buri at Jorge Coronacion, isang matandang magsasaka na mayroong problema sa paningin.

Ayon sa Tanggol Magsasaka-Timog Katagalugan, isang organisasyon ng mga magsasaka, sina Buri at Coronacion ay pinaslang ng mga sundalo noong Nobyembre 17 habang papauwi ang mga ito.

Sinabi ng mga sundalo na ang dalawa ay miyembro ng New People’s Army at napatay sa engkuwentro.

“Pinalabas ng mga militar na mga miyembro daw ng NPA ang dalawang magsasaka. Pero ayon mismo sa pamilya ng mga biktima, sa barangay captain at mga taga-komunidad, ‘di totoo ang akusasyon ng mga militar laban sa kanila,” sabi ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat.

Sinabi naman ng Karapatan-Southern Tagalog na walang narinig na palitan ng putok ng baril ang mga residente.

“Imbes na tulungan natin ang ating mga magsasaka sa panahon ng pandemya, talagang bingi at bulag ang administrasyon na ito para sa kanilang kahingian. Para sa kanila, ang mga nagtatanggol at naninindigan para sa karapatan sa lupa ay kaaway na ng gobyerno. Kailangan nila nang tulong ng taumbayan, dapat ay samahan natin sila sa kanilang laban para sa tunay na reporma sa lupa,” dagdag pa ni Cullamat.

Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas umabot na sa 344 magsasaka na biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng Duterte administration. (Billy Begas)

““`ZW3212WQJulia Barretto naghubad sa Mexico?

The post Pagpaslang sa 2 magsasaka pinaiimbestigahan sa Kamara first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pagpaslang-sa-2-magsasaka-pinaiimbestigahan-sa-kamara/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pagpaslang-sa-2-magsasaka-pinaiimbestigahan-sa-kamara)