Nababahala si Senador Francis ‘Tol’ Tolentino sa ulat na pamimirata ng ilang bansa sa mga atletang Pinoy sa kabila ng umano’y kakulangan ng pinansyal na suporta mula sa pamahalaan.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang P375.238-milyong budget para sa Philippine Sports Commission (PSC), binigyang-diin ni Tolentino na dapat magkaroon ng programa upang mapigilan ang tinatawag na ‘poaching’ o panunulot ng ibang bansa sa mga homegrown athletes matapos ang pagtalikod sa Pilipinas nila reigning Pinay Golfer Yuka Saso at Chess Grandmaster Wesley So.

“Paano natin matitigil ito? Is there a program reflective in the budget of PSC to prevent poaching? Is there a ‘Balik Pilipinong Atleta Program?” ani Tolentino.

Si Saso na tubong San Ildefonso, Bulacan ay ipinanganak sa kanyang Pinay na ina samantalang isang Hapones ang kanyang ama. Nasungkit nito lang Hulyo ni Saso ang kampeonato sa 2021 U.S. Open at nirepresenta pa ang Pilipinas sa katatapos lamang na Tokyo Olympics nitong Agosto.

Subalit inanunsyo ng kasalukuyang World No. 6 nito lamang isang linggo na pipiliin niyang maging isang Japanese citizen at maglalaro para sa bansang Hapon.

Sa ilalim ng Japanese nationality law, ang mga dual citizen kagaya ni Saso at kinakailangan mamili ng kanilang pagkamamamayan sa oras na tumungtong sila sa edad na 22-taon gulang.

Samantala, si So naman ay pormal na naging U.S. citizen nito lamang Pebrero subalit noon pang 2014 ng naglalaro para sa Estados Unidos. Si So na ipinanganak at lumaki sa Bacoor, Cavite ang pinakabatang naging Chess Grandmaster ng Pilipinas sa edad na 14.

Nagbabala si Tolentino na hindi malabong maulit na naman ang pamimirata ng mga mayayamang bansa sa mga Pinoy athletes kung hindi madadagdagan ang mga insentibong ibinibigay sa kanila.

Ginawa ring halimbawa ni Tolentino ang nangyayari sa Philippine Basketball Association (PBA), kung saan maraming manlalaro nito na kabilang rin sa Gilas Pilipinas national team ang nagpasyang maglaro sa ibang propesyonal na liga sa ibang bansa, kagaya sa Japan B-League.

Dagdag pa ng senador, mas mabuting magkaroon ng pormal na dayalogo ang PSC sa ibang mga bansa upang mapigilan ang pamimirata sa mga atletang Pinoy. (Dindo Matining)

The post Pamimirata ng mga atletang Pinoy pigilan – Tolentino first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pamimirata-ng-mga-atletang-pinoy-pigilan-tolentino/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pamimirata-ng-mga-atletang-pinoy-pigilan-tolentino)