Kinondena ni House Assistant Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro ang mas maliit na dagdag sa honoraria ng mga poll volunteer worker para sa 2022 elections.
Ayon kay Castro, iba ang sinasabi ng mga opisyal ng Comelec sa Kongreso sa nilalaman ng Comelec resolution 10727.
Sa nakaraang pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, sinabi ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na nasa P3,000 ang dagdag sa honoraria ng mga poll workers.
Pero sa Comelec resolution 10727, ang chairperson ng Election Board (EB) ay makatatanggap ng P7,000, samantalang ang mga miyembro ng EB ay P6,000, ang DepEd Supervisor Officials ay P5,000 at ang kanilang support staff at medical staff ay tig-P3,000.
Sinabi ni Castro na P1,000 lamang ang dumagdag sa honoraria ng mga poll workers. Inalis din umano ng Comelec ang food allowance.
Bukod sa P1,000 dagdag sa honoraria, nakasaad sa resolusyon ang pagbibigay ng dagdag na P1,000 sa chairperson at mga miyembro ng EB, at P500 anti-COVID allowance, samantalang ang DESO at support staff ay may P1,500 communications allowance.
“We have to note that the Comelec removed the P2,000 travel allowances for the trainings. Sa kabuuan, P500 lang ang itinaas sa honoraria at allowances ng mga election service volunteers dahil dinagdagan nga ng P1,000 sa honoraria, P1,000 sa travel allowance at P500 para sa anti-COVID allowance pero tinanggal naman ang P2,000 travel allowance ng trainings. Pinakamataas na dagdag na ang P2,000 para sa DESO at DESO support staff,” paliwanag ni Castro.
Ang sinabing 10 araw na service credit ay ibinaba rin umano ng Comelec sa limang araw.
Ang maliit na dagdag ay ginawa umano ng Comelec sa kabila ng anunsyo nito na hindi bababa sa 13 oras ang botohan sa Mayo 2022. (Billy Begas)
The post Pangako sa mga poll worker hanggang salita lang—ACT first appeared on Abante TNT Breaking News.Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pangako-sa-mga-poll-worker-hanggang-salita-lang-act/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pangako-sa-mga-poll-worker-hanggang-salita-lang-act)
0 Mga Komento