Hindi magiging sagutin ng Department of Health (DOH) ang mga nagpaturok ng booster shots kapag nagkaproblema ang mga ito.

Ito ang may himig-babala ng DOH kasunod ng ulat na may mga nagpapaturok na umano ng booster shots kahit wala pang inisyung emergency use authority ang gobyerno para dito.

Sinabi sa Laging Handa press briefing ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sakaling magkaproblema ang mga nagpaturok ng booster shot ay hindi ito malalaman ng DOH dahil patago ang kanilang ginawa.

“Marami po tayong naririnig na reports na marami na sa ating mga kababayan ay nagpaturok ng booster shot. Wala pa ho tayong emergency use authority para diyan. Kung saka-sakali magkaroon sila ng untoward reaction, hindi po natin mamomonitor because they are doing it and not reporting to the Department of Health,” ani Vergeire.

Pinayuhan ng opisyal ang publiko na huwag magmadali sa kagustuhang magkaroon ng booster shot dahil pinag-aaralan pa ng mga eksperto ang mga gamot na posibleng gamitin ng gobyerno.

“Hintayin lang natin, huwag ho tayong magmadali dahil marami pang kailangang pag-aralan. Mga bagong bakuna po ito kailangang masiguro ng gobyerno na ito ay ligtas at epektibo para sa ating mga kababayan,” dagdag ni Vergeire.

Hinihintay na lamang aniya ng DOH ang guidelines at go signal mula sa Food and Drugs Administration (FDA) bago simulan ang pagbibigay ng booster shot sa mga dapat tumanggap nito.

“Yung guidelines po, inaantay natin yung EUA from the Food and Drug Administration (FDA) and then the guidelines will be issued by DOH for its operationalization,” wika ni Vergeire.

Ang mga posibleng mabigyan ng booster shot laban sa COVID-19 ay yaong mga may mahinang immune system o immunocompromised at health workers para makasiguro ng proteksiyon laban sa ginagamot na COVID patient.

The post Pasaway sa booster shot dededmahin ng DOH ‘pag nagkaproblema first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/pasaway-sa-booster-shot-dededmahin-ng-doh-pag-nagkaproblema/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=pasaway-sa-booster-shot-dededmahin-ng-doh-pag-nagkaproblema)