Bukod sa pagpuksa ng korapsyon at pag-ayos sa burukrasya, seryoso rin si Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson sa pagresolba sa problemang dulot ng climate change na makakaapekto sa susunod na mga henerasyon ng Pilipinas.

Sa panayam ng DYHB, local radio station sa Bacolod City noong Sabado (Nobyembre 13), sinabi ni Lacson na bahagi ng kanyang plano ang pagpapatupad ng mas maayos na carbon emission testing at mga programa para sa pagtatanim ng puno sa kagubatan upang matugunan ang global warming.

Giniit ni Lacson na kailangan ng pamahalaan na magsagawa ng mas maraming tree planting activity para muling mabuhay ang mga kagubatan sa bansa, na nawasak dahil sa operasyon ng mga illegal logger.

“Alam mo, ito, dire consequence ‘yung posible. Nabasa ko ito somewhere. By year 2100, baka wala na tayong Earth pagka hindi [tumigil] ‘yung tinatawag na fossil [fuel burning],” pahayag ni Lacson tungkol sa patuloy na pagsandal ng mundo sa fossil fuel.

Sinabi pa ng presidential aspirant na may koneksyon ang problemang ito sa talamak na korapsyon sa Land Transportation Office (LTO) kaugnay sa proseso ng vehicle emission testing, na kailangan umanong mahinto bilang paggalang sa Clean Air Act.

“Kung sino ‘yung naglagay, hindi naman talaga tine-test ‘yung carbon emission [tapos] bibigyan ng certification,” sabi ni Lacson sa programa ni radio man Serge Santillan.

Iba’t ibang siyentipikong pag-aaral na ang nagpakita na ang carbon dioxide na nililikha ng fossil fuel combustion para sa kuryente, transportasyon, at iba pang aktibidad ng tao, ay may may malaking kontribusyon sa paglalabas ng global greenhouse gas, na nagiging sanhi naman ng pagbabago ng klima ng mundo.

“The next generation sila ‘yung makakaranas ‘nung sinasabi nilang wala na, wala nang Earth, kasi inabuso ng tao ‘yung ating planet Earth. So, ito, hindi natin iniisip, pero ang tinataas ng tubig ngayon parang nasa mga two inches, two centimeters per year yata,” babala ni Lacson.

Suportado rin ng Partido Reporma presidential bet ang mga plano para matugunan ang problemang ito na ginawa sa katatapos lang na 2021 United Nations (UN) Climate Change Conference sa Glasgow, Scotland, kung saan nagpulong ang mga global leader para pag-usapan ang mga problemang may kinalaman sa kalikasan.

Umaasa rin si Lacson na susunod ang iba pang mayayamang bansa sa ginawa ng United States na pagbibigay ng $100 bilyong bilang tulong para sa mahihirap na bansa na may mataas na banta sa epekto ng climate change.

“Kasi hindi kaya ng Pilipinas ito. Maliit lang tayo e. Dapat ‘yung malalakas na bansa ang tumutulong talaga rito at nangunguna,” aniya.

Tinuturing na malaking tagumpay ang dalawang linggong kumperensya sa Scotland para maresolba ang mga isyu tungkol sa carbon market, gayunman hindi umano ito nakapagbigay ng kasagutan para sa pagkabahala ng maliliit na bansa tungkol sa matagal nang pinansyal na pangako sa kanila mula sa mayayamang bansa, ayon sa Reuters report.

Tinatarget ng mga kalahok na bansa sa taunang pulong, na malimitahan ang global warming sa 1.5 degrees Celsius (2.7 Fahrenheit) higit sa pre-industrial na antas, ang limitasyon na sinasabi ng mga siyentipiko na makakapagpaiwas sa pinakamasamang epekto ng climate change, alinsunod sa 2015 Paris Agreement.

The post Ping: Epekto ng climate change mababawasan kung korapsyon sa LTO mabubura first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-epekto-ng-climate-change-mababawasan-kung-korapsyon-sa-lto-mabubura/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-epekto-ng-climate-change-mababawasan-kung-korapsyon-sa-lto-mabubura)