Saludo si Partido Reporma chairman at presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson sa mga residente ng Pag-asa Island na tinuturing niyang tagapagtanggol ng bansa dahil pinili nilang manirahan sa isla sa kabila ng banta ng presensya ng mga Chinese Coast Guard na umaangkin sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS).

Para kay Lacson sakripisyo ang ginagawa ng 193 sibilyan na naninirahan sa isla dahil patuloy ang kanilang pamumuhay kahit may banta sa seguridad at kabuhayan.

“Sa tingin ko ‘yung mga tao doon mas patriotic pa kaysa sa karamihan ng mga Pilipino,” pahayag ni Lacson sa kanyang pakikipag-usap sa mga mamamahayag sa Palawan matapos ang pagbisita sa Pag-asa island.

Ipinangako ni Lacson na aaksyunan niya ang mga nakita niyang pangunahing pangangailangan ng mga residente at mangingisda sa lugar. Kabilang na ang pagkakaroon ng maayos na pabahay sa lahat ng pamilyang nakatira dito.

Binigyang-diin din ni Lacson na kailangang palakasin ang kabuhayan at trabaho sa mga taga-Pag-asa at mapaganda pa ito para dumami ang magnais na manirahan dito at sa iba pang isla na sakop ng ating teritoryo.

“Kailangan natin talaga, kung pwede lang, i-populate natin ‘yung lugar na ‘yon e at ‘yung iba pa nga dapat mag-migrate—kung merong mga nearby islands na pwede silang mag-migrate pa—para ma-expand ‘yung ating possession,” ayon pa sa presidential candidate.

The post Ping: Mga residente ng Pagasa Island kakaiba ang tapang first appeared on Abante TNT Breaking News.

Source: Abante (https://tnt.abante.com.ph/ping-mga-residente-ng-pagasa-island-kakaiba-ang-tapang/?utm_source=rss&utm_medium=rss&utm_campaign=ping-mga-residente-ng-pagasa-island-kakaiba-ang-tapang)